Kabilang si Shaira Diaz sa mga ipinakilala sa media na pinakabagong artist ng GMA-Talent Development and Management Department (TDMD) nitong Huwebes.


"GMA is a good place to be, lalo na 'pag pag-uusapan 'yung gusto mong makaarte. At saka feeling ko madami silang maibibigay na role na hindi ko pa nagagawa before," sabi ni Shaira bilang pasasalamat sa network.

Kakapirma lang ni Shaira ng GMA contract dalawang linggo ang nakakaraan.

"Gusto ko ng bagong environment. Gusto kong mahasa pa, ma-hone pa 'yung talent ko, and I think mangyayari 'yon kung pupunta ako sa GMA," dagdag ng aktres.

Unang napanood si Shaira sa GMA morning show na "Trops" noong nakaraang taon, kung saan nakatrabaho niya ang mga 'EB' Baes.

"Dapat talaga, guesting lang 'yon, mga ilang taping days lang. Pero they decided na i-regular na ako do'n so nag-run 'yung show ng almost one year. October to September," paliwanag ni Shaira.

Nasundan pa ito ng mga guesting sa "Eat Bulaga" at "Sunday PinaSaya."

Nagbalik-tanaw din si Shaira sa pinanggalingan niyang network at malaki ang pasasalamat niya rito.

"Masaya rin naman. Thankful ako kasi wala ako rito kung wala sila. Kasi sila 'yung naka-discover sa akin, kaya nahasa rin du'n 'yung talent ko. Ang pinakapasasalamat ko, kasi hindi ako nabakante du'n, so talagang nagpapasalamat ako sa tiwalang ibinigay nila sa akin kasi nga binibigyan nila ako lagi ng show," saad ng aktres.

Ngayong Kapuso na, gustong sumabak ni Shaira sa action. Pero mayroon din siyang "weird" role na gustong subukan.

"Siguro 'yung pinapangit, kung weird role, may pinapangit ka, okay sa akin 'yun. 'Yung tipong pinapaitim 'yung ngipin ko," saad niya. -- FRJ, GMA News