Filtered By: Showbiz
Showbiz

Nora Aunor, pumirma ng kontrata sa Kapuso; excited sa bagong teleserye


Masaya at excited si "The Superstar" Nora Aunor matapos siyang pumirma ng program contract sa Kapuso Network nitong Huwebes, Mayo 10, 2018, kung saan magiging bahagi siya ng stellar cast ng isang teleserye.

Kasamang pumirma ni Nora sina Senior Vice President for GMA Entertainment Content Group Lilybeth Rasonable at GMA AVP for Drama Cheryl Ching-Sy.

"Alam mo ang GMA, mahal na sa puso ko 'yan, dahil ang GMA kasi maski noong araw, sila talaga ang nakakaisip na ako'y kunin nila at bigyan nila ako ng proyekto. At 'yun naman ay tinatanaw ko ng malaking malaking utang na loob," sabi ni Nora nang makapanayam ng showbiz press sa kaniyang contract signing.

Inanunsyo noon na pamamahalaan ni direk Gina Alajar ang naturang serye, at makakasama ni Nora sina Mikee Quintos, Kate Valdez, Cherie Gil, Gardo Versoza, Adrian Alandy, Vaness del Moral, Rochelle Pangilinan, Enrico Cuenca at Wendell Ramos.

Ipinakikilala rin ang may dwarfism na si Jo Berry, ang gaganap na "Onay" sa naturang teleserye.

Inilahad naman ng Superstar ang dahilan kung bakit niya napili ang proyekto.

"Gusto ko 'yung teleserye at maganda 'yung istorya, tungkol sa kung paano magmahal ang isang ina sa isang anak, at kung paano ipagtanggol ang isang anak ng ina," sabi ni Nora.

"'Yun 'yung puso sa ginagawa naming proyekto. At suspetsa ko, ang sa aking palagay lamang, itong ginagawa namin, sabi nga nila, 'pag puso 'yung pinagsama sa isang proyekto, walang tatalo siyan, kasi andiyan 'yung pagmamahalan, 'yung tulungan, walang lamangan," kaniyang dagdag.

Sa pagkukuwento ni Nora, siya ang gaganap bilang nanay ni Onay.

"Alam mo sa buhay kasi, maski na sa totoong buhay, nangyayari 'yan eh. 'Di ba hindi natin alam kung ano 'yung lalabas sa atin eh, hindi natin alam kung ano 'yung ibibigay sa atin ng Diyos. So dito sa istorya 'yun 'yung binigay sa akin ng Diyos eh, so kailangang tanggapin ko, kailangang ipagtanggol ko, kailangang mahalin ko," sabi niya.

Masaya si The Superstar dahil kahit shooting pa lang, para nang pamilya ang mga nasa set.

"Masaya kami sa set at para kaming magkakapatid, talagang pamilya kami, masaya, nagtutulungan, at 'yung mga ginagawa namin talagang isinasapuso namin lahat," paglalahad niya.

Bago ang kaniyang bagong teleserye, napanood na rin si Nora sa "Little Nanay" noong 2015.

"Sabi ko nga, kung talagang hindi para sa'yo, hindi pa para sa'yo, so ito 'yung time na binigay sa akin na makagawa uli ng isang proyektong maganda at dito nga 'yon sa [channel] 7," aniya. — MDM, GMA News