Sa pagbisita nila ni Super Tekla sa programang "Tonight With Arnold Clavio," ipinakilala ni Donita Nose ang kaniyang nobyo na tatlong taon na niyang karelasyon.

Sa segment na "Instatruth" kung saan ipinakita ang ilang litrato nila sa kani-kanilang social media account, ipinakita ang larawan ni Donita kasama ang isang lalaki.

Dito na ipinakilala ni Donita na nobyo niya ang lalaki sa larawan na si Ricky.

Ayon kay Donita, nagdiwang sila ni Ricky ng ika-tatlong taon ng kanilang relasyon ngayong Mayo.

"Happy anniversary and three years na tayo. And I know na magiging matagal pa 'yan hopefully basta magpakabait ka lang," mensahe ni Donita sa nobyo.

Idinagdag niya na isang taon na magiging long distance ang relationship nila ni Ricky dahil pupunta ang kaniyang nobyo sa Bacolod para mag-aral.

Panoorin ang iba pang kuwento nina Tekla at Donita sa video na ito ng "TWAC."

-- FRJ, GMA News