Muling bibida ang Phenomenal Star na si Maine Mendoza sa isang episode ng weekly children's series na "Daig Kayo Ng Lola Ko,' at makakasama pa niya ang cute na si Baeby Baste.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules,  sinabi ni Maine na masaya siya na muling gumanap sa pambatang programa na mapapanood sa darating na Linggo.

Gustong-gusto raw ni Maine ang role niya sa programa bilang Laura Butangera na kaniyang napaglalaruan.

"Gusto ko light lang talaga bilang alam naman po ng lahat kung ba't gusto ko comedy lang," saad niya.

Patuloy niya, "Ako po si Laura Butangera. Ano siya, parang hindi naman siya nalalayo sa akin. Matapang kasi 'yon, palaban."

Malaking bagay rin para kay Maine na katrabaho niya sa episode si Baste na gaganap naman bilang isang duwende.

"Si Baste kasi ano siya, bale siya yung nasaktan ko, kumbaga, siya 'yung nasaktan ko na hindi sinasadya. So siya 'yung nagparusa sa akin. Siya 'yung nagbigay ng leksiyon sa akin," kuwento pa ni Maine.

Sa mga nagtatanong naman kung kailan muling mapapanood si Maine na umarte sa pelikula,"Yun po 'yung parang gusto ko rin na gawin, 'yung light lang talaga. 'Yung marami po talagang millennials na makaka-relate." -- FRJ, GMA News