Filtered By: Showbiz
Showbiz

Adviser: Katrina Halili losing jobs left and right


Nananahimik ngayon sa bagong bahay niya ang controversial StarStruck alumna na si Katrina Halili. Lumalabas na lang siya kung kailangan, tulad sa mga Senate hearings. Lagi niyang kasama ang kanyang adviser at handler na si Omar Sortijas. Ngunit dahil sa kontrobersiyang nasangkutan ni Katrina - ang sex-video scandal nila ni Dr. Hayden Kho Jr. na kumalat sa Internet at may kopya na sa DVDs - kaliwa't kanan ang naging tsismis sa aktres. Kung kaya't kailangang tawagan si Omar para sa update o kasagutan tuwing may lumalabas na bagong balita. Nitong nagdaang araw, dahil sa dami na rin ng mga tumatawag sa amin kung totoong nag-suicide si Katrina dahil sa depression, hindi kami huminto sa katatawag hanggang hindi mismo si Katrina ang sumagot sa amin. Kuwento ni Omar bago namin makausap si Katrina, kung ilang araw na raw ito kumakalat sa text. Sa tingin nila, sa kabilang kampo ang nagpapakalat nito. Balita raw nila kasi na kumuha ng PR firm ang kampo ni Hayden. Umaga naman ng Martes, June 2, lumabas sa isang pahayagan na kahit daw may kontrobersiyang kinasasangkutan ngayon si Katrina, isang advertiser ang handang kumuha sa kaniyang serbisyo. Dalawa ang high-profile endorsements ngayon ni Katrina na parehong nag-launch kamakailan, ang Flawless at ang Bench, ngunit no-show siya rito. Sabi ng parehong endorsements, iho-honor naman nila ang kontrata ni Katrina at hindi nila tatanggalin ang mga billboard nila. Muli naming tinawagan si Omar para alamin kung anong endorsement ang sinasabing kumukuha sa kanya at nagulat kami sa sinagot nito. "Wala po, ano raw?'" balik-tanong sa amin ni Omar. "Wala na ngang pumapasok na trabaho ngayon mula nang magsimula ito. Ang daming nag-cancel. Yung isa para sa isang cellphone network provider, hindi na kami ulit tinawagan. "Hindi lang yun, pati mga shows, hindi na rin natutuloy. Merong isa sa Lucena at yung isa pa. Tapos may out of the country din na hindi pa kami binabalikan." May isang nagawang indie movie si Katrina bago sumabog ang eskandalo, ang ipalalabas ngayong araw, June 3, na Dalaw mula sa Pixel8 Entertainment Productions at sa panulat at direksyon ni Joven Tan. Nangangako rin ang GMA-7 na full support ang ibibigay nila kay Katrina pagkatapos ng gulo at bali-balitang siya ang lalabas na Valentina sa Darna ni Marian Rivera. - Philippine Entertainment Portal

LOADING CONTENT