Filtered By: Showbiz
Showbiz

Survivor Philippines Palau: Bye-bye time for model Marvin Kiefer


Ang pinakabatang castaway ngayong season ng Survivor Philippines: Palau na si Marvin Kiefer ang natanggal sa unang Tribal Council ng merged tribe na Sonsorol. Dahil itinuturing siyang malaking threat sa laro, ibinoto siya ng siyam niyang kasamahan, pati na ng mga dati niyang katribo sa Koror at ang naging malapit na rin sa kanya na si Jef Gaitan. Noong una, ang akala ng lahat, ang tinaguriang "Taray Queen" na si Tara Macias ang matatanggal dahil hindi nito kasundo ang karamihan sa mga castaway. Pero dahil isang laro ang Survivor Philippines, mas pinili nilang tanggalin si Marvin dahil nga sa lakas nito sa challenges, na makasasagabal sa pag-abot nila sa tatlong milyong pisong cash prize at sa karangalan bilang Pinoy Sole Survivor. RETURN OF THE BLACK PEARL. Pero bago tuluyang magpaalam si Marvin ay pinapili siya ng host na si Paolo Bediones ng pagbibigyan ng itim at puting perlas—na ginamit na rin sa unang season ng Survivor Philippines. Ang itim na perlas ay magsisilbing sumpa sa sinumang may hawak nito dahil may isang boto na siya agad sa susunod na Tribal Council. Samantalang ang may hawak naman ng puting perlas ay mababawasan ng isang boto sa susunod na Tribal Council. Pagkatapos pag-isipan ni Marvin ay nagdesisyon siyang ibigay ang itim na perlas kay Mika Batchelor, samantalang kay Suzuki Sadatsugu naman niya ibinigay ang puting perlas. Sa kanyang exit interview, ipinaliwanag ni Marvin na kaya niya ibinigay ang itim na perlas kay Mika ay dahil ayaw niyang maging "girls vs. boys" ang labanan. Sa pagkatanggal kasi ni Marvin ay tatlong lalake na lang ang natitira (Suzuki, Shaun Rodriguez, at Charles de Vera Fernandez), samantalang anim pa ang mga babae (sina Mika, Jef, Tara, Echo Caceres, Amanda Coolley Van Cooll, at Justine Ferrer). Maluwag namang tinanggap ni Marvin ang kanyang pagkakatanggal. Bagamat may mixed feelings siya tungkol dito ay kailangan niya raw tanggapin ito. Si Marvin ang kauna-unahang miyembro ng Jury na magdedesisyon kung sino ang tatanghaling Pinoy Sole Survivor. - Erwin Santiago, PEP