Filtered By: Showbiz
Showbiz

Willie Revillame ready for comeback when Wowowee was axed


(Update: Saturday, 12:45 am) Isiniwalat ng television host na si Willie Revillame na nakatakda na siyang bumalik sa Wowowee nang bigla umanong sibakin ang naturang programa sa ABS-CBN. Sa live interview ni Mike Enriquez, anchor ng GMA news 24 Oras nitong Biyernes, iginiit ni Revillame na ang ABS-CBN ang sumira sa kanilang kontrata kaya nagdesisyon siyang putulin na ang ugnayan niya sa Kapamilya Network. Nauna nang inihayag ng ABS-CBN na hindi basta makakaalis sa kanilang network si Revillame dahil sa Setyembre 2011 pa matatapos ang kontrata nito sa kanila. (Basahin: PEP: ABS-CBN: 'Willie Revillame has no right to have his contract unilaterally invalidated.') Sa ginawang panayam ni Enriquez, ipinaliwanag ni Revillame na hindi umano ang insidenteng naganap noong Mayo kung saan bigla siyang nagbakasyon sa kanyang programa ang dapat ikabit sa desisyon niyang kumalas sa ABS-CBN. Sinabi ni Revillame na nagdesisyon siyang putulin ang kontrata niya sa ABS-CBN dahil nasaktan siya nang biglang alisin ang Wowowee kahit napag-usapan na umano ng mga boss sa network noong July ang kanyang pagbabalik sa telebisyon. Ayon sa TV host, nasaktan siya nang biglang magbago ang desisyon ng ABS-CBN at alisin ang Wowowee dahil sa katwiran na marami pa rin umano ang tutol na bumalik siya sa programa. “Nakalulungkot po pinatawag ako isang araw ni Linggit Tan at sinabi sa akin na isang araw na lang daw ang programa ko at baka puwede pa kong lagyan ng isang programa pa sa Studio 23," pahayag ni Revillame. “Dun po ako nag-isip ng matindi, bakit ganito ang kanilang rason. Para malaman ng lahat, marami pa raw ang ayaw na ako ay bumalik, marami pa raw ang nag-e-email na kung ano ang sinasabi ‘wag na akong bumalik. Eh sana po hindi na nila ako kinausap na bumalik kung meron pa lang ganun," patuloy niya. Ayon naman kay Atty. Leonard De Vera, abogado ni Revillame, nakasaad umano sa sulat na ipinadala sa kanyang kliyente nang kanselahin ang Wowowee, na bibigyan na lamang si Revillame ng bagong show na isang oras sa isang linggo at pre-recorded para mabantayan ang mga sasabihin ng tv host.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Tungkol sa bigla niyang pag-alis sa Wowowee noong Mayo, sinabi ni Willie na nakausap na niya at nakahingi na siya ng paumanhin sa mga boss ng ABS-CBN sa nangyaring insidente noong Mayo. Sa naturang programa ay magsalita si Revillame at nagbantang magre-resign sa show kapag hindi sinibak ang isang entertainment host na bumabatikos umano sa kanya at sa Wowowee. Mula nang “magbakasyon" sa Wowowee, sinabi ni Revillame na hindi siya tumanggap ng sahod dahil idineklara umano ng network na “suspensiyon" ang hindi niya pagpapakita sa show. Nang tanungin ni Enriquez si Revillame kung malaya na siyang makakapagtabaho sa ibang network, sinabi ng TV host na bukas siyang makipag-usap sa ibang network na interesado sa kanyang serbisyo. Kung hindi man makabalik agad sa telebisyon, sinabi ni Revillame na hahanap siya ng paraan para makapag-shows sa mga lalawigan kahit gamit ang sarili niyang pera para maghatid umano ng kasiyahan sa mga tao. Nang matapos ang panayam, sinabi ni Enriquez na bukas ang GMA News para sa panig ng ABS-CBN kaugnay ng mga inihayag ni Revillame. Pahayag ng ABS-CBN Sa official statement na ipinalabas ng ABS-CBN bilang sagot sa panayam kay Revillame, iginiit nila na may pinirmahang kontrata ang TV host na may bisa hanggang Setyembre 2011. “Nais naming ulitin ang aming nasabi na na rin na si Willie ay may pinirmahang kontrata hanggang September 2011. Nilabag ni Willie ang behavioral provisions ng naturang kontrata nang binantaan nito ang pamunuan ng ABS-CBN sa episode ng ‘Wowowee’ noong Mayo 4, 2010 at sinabing siya ay magbibitiw sa trabaho kapag hindi tinanggal ng pamunuan ang isa pang TV/radio personality ng network," ayon sa pahayag ng ABS-CBN na inilabag sa kanilang news website. “Ang kanyang banta ay nagpakita ng kawalan ng respeto at pagiging arrogante. Ang ipinakita nyang hindi magandang asal ay hindi katanggap-tanggap sa mga Pilipino. “Hindi sa kanya ang desisyon na mapawalang bisa ito. Sinumang lumabag sa kasunduan ay hindi maaring mag-dikta kung ito ay itutuloy o tatapusin. Ang kontrata ay isang kasunduan na dapat bigyan ng kaukulang respeto. Ano pa ang magiging halaga ng mga kontrata kung ito ay maaring tapusin anu mang oras naiisin? “Ang ABS-CBN ang naagrabyado dito kaya ito ang may karapatan na magdesisyon kung itutuloy ang kontrata o hindi," “Naniniwala ito na dapat pa ring gampanan ni Willie ang mga obligasyong nakasaad sa kontrata na magtatapos pa sa September 2011," ayon sa pahayag ng ABS-CBN – Fidel R Jimenez, GMANews.TV *Ang GMANews.TV ay ang official news website ng News and Current Affairs ng GMA 7.