Filtered By: Showbiz
Showbiz

PEPsters, naki-join sa 'pick-upan' ng Bubble Gang


Nakigulo sa tropa ng Bubble Gang ang mga staff ng entertainment website na Philippine Entertainment Portal (PEP) sa pamamagitan ng pagiging miron sa patok na segment na “Battle of Pick Up Lines." Ang pakikigulo ng mga PEPster sa tropa ng Bubble Gang ay bahagi ng selebrasyon sa 5th anniversary ng PEP.ph sa Miyerkules, February 29. Ito ang unang pagkakataon na bumisita sa set ang buong staff ng PEP, at hindi para mag-interview kundi para makita sa telebisyon. Mainit ang naging pagtanggap ng tropa ng Bubble Gang sa mga PEPster sa pangunguna nina 'Boy Pick Up' (Ogie Alcasid) at 'MC Bits' (Michael V). "Uy, ang saya naman, kumpleto talaga kayo," pahayag ni Rufa Mae Quinto nang makita ang grupo na hindi kinakitaan ng kaba sa kanilang unang pagsalang sa harap ng TV camera. Walang pagod na naki-cheer ang mga PEPster sa mga sumabak sa "Battle of Pick Up Lines" segment, na kinabibilangan nina MC Bits, Neneng B, Boy Dahon, Bisugo, Moymoy Palaboy, Jackie Rice, Gwen Zamora, Boy Back-Up, Myka, at si Boy Pick Up. "There was no reason to feel conscious. The only requirement was to have fun, and we did. Plus, the staff and stars of the show were very friendly," ayon kay Karen Pagsolingan, managing editor ng PEP. Naipalabas ang naturang episode sa GMA 7 noong February 24. Bukod sa hindi makalilimutang karanasan kasama ang tropa ng Bubble Gang, nadagdagan ang kasiyahan ng mga PEPster matapos na muling magwagi ang www.pep.ph bilang best website (entertainment category) sa SPI 100 Web Awards of the DigitalFilipino.com. -- Demai Granali/FRJimenez, GMA News

LOADING CONTENT