Filtered By: Showbiz
Showbiz

Bagong MTRCB chair ipagpapatuloy ang 'legacy' ni Grace Poe sa ahensiya


Nangako ang bagong chairman ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na si Atty. Eugenio "Toto" Villarael na ipagpapatuloy niya ang “legacy” ng nagbitiw na MTRCB chair na si Grace Poe-Llamanzares. "'Yung pagpapatuloy ng kanyang legacy, 'yan ang gusto naming gawin,” ani Villareal sa isang press conference nitong Lunes. “I would say, under her watch, we did our best, she did her best." Nagbitiw sa MTRCB si Grace Poe nitong Oktubre bilang paghahanda sa kanyang kandidatura sa pagka-senador sa 2013 elections. Hinirang na kapalit niya si Villarael nitong nakaraang linggo. Aminado si Villarael na may mga problema pa silang haharapin ngayong siya na ang nakaupo sa puwesto. "Maraming mga sitwasyon pa tayong haharapin sa industriya,” sabi ni Villareal. “Nakahanda kami doon at ang pagpapatuloy po namin ngayon dahil meron na po tayong classification system na binago. May SPG [Strong Parental Guidance] na po sa telebisyon, may R-16 [Rated-16] na  po sa pelikula. " Ang mga pagbabago at karagdagang klasipikasyon ng MTRCB ay inilunsad sa loob ng administrasyon ni Grace Poe. Kaya naman upang lubos na mauunawaan ng mga manonood ang mga rating at klasipikasyon ng MTRCB, naglunsad sila ng "Matalinong panonood" road shows sa iba't-ibang komunidad dito sa bansa. "Sinusuyod po ng aming mga board members and other staff and iba't-ibang mga lugar upang ipaabot at magbigay ng training ukol sa bagong rating and classification para po sa TV and film.," ani Villarael. Ilan na sa mga lugar na napuntahan nila ang Palawan at Antique. Tutungo rin sila sa iba't-iba pang parte ng Luzon, Visayas, at Mindanao sa Enero at Pebrero 2013. Samantala, nakikiisa rin ang MTRCB sa pagtulong sa libu-libong mga nasalanta ng bagyong Pablo sa Visayas at Mindanao. "Over the weekend namin ni-launch 'yan kasi naging mabilis 'yung mga pangyayari," ani Villarael. "We do not need naman 'yung masyadong elaborate na sistema niyan. Kung meron po tayong donasyon, idala po natin dito [sa MTRCB] gaya po ng ibang ahensiya at ibang mga NGO (non-goverment organizations)." — KBK, GMA News

LOADING CONTENT