Filtered By: Showbiz
Showbiz

Maricel Soriano at Dennis Trillo, kabilang sa mga mapapanood sa 'Lenten Drama Special' ng 'Eat Bulaga'




Anim na napapanahong kuwento ng ina, tahanan at pag-asa ang handog ng Eat Bulaga ngayong Mahal na Araw na mapapanood simula Lunes Santo (April 14) hanggang Miyerkoles Santo (April 16). Matapos mahinto ng walong taon, muling ibinabalik ng TAPE, Inc. ang drama specials tuwing Holy Week ng Eat Bulaga dahil na rin sa kahilingan nga manonood.

This Holy Week, hindi lang tatlong drama ang handog ng  programa kundi dalawang episodes kada araw o anim na episodes sa tatlong araw ang matutunghayan simula 11:00 a.m. Bukod sa "EB" Dabarkadas na magpapaiyak at magbibigay-inspirasyon, tampok din sa bawat episode ang malalaking artista na pangungunahan ng Movie Queen na si Susan Roces, Diamond Star na si Maricel Soriano at award-winning actor, Dennis Trillo at iba pang de kalibreng bituin.

Ang anim na episodes ay base sa true stories ng mga taong natulungan ng Eat Bulaga sa pang-araw-araw nilang pagsugod sa mga barangay sa buong bansa para sa “Bayanihan of the Pipol Juan For All, All For Juan.”

Narito ang mga kuwentong aantig sa manonood simula Lunes hanggang Miyerkules Santo pati na ang artistang panauhin at EB Dabarkadas na kasamang magsisiganap billed as “Hulog ng Langit”:

LUNES SANTO (APRIL 14)

EPISODE 1:  “Karugtong Ng Puso”

CAST:  Susan Roces,  Paolo Ballesteros, Ehra Madrigal at Tito Sotto

DIRECTOR:  Mark Reyes

Kuwento tungkol sa pagpapatawad, pagmamahal at kakaibang kahulugan ng “pamilya” ang episode ng “Karugtong Ng Puso.” Halaw ito sa istorya ng buhay ni Emerita Seda, ang kasambahay na ginamit ang napanalunan sa “Juan For All” para maipagamot ang kanyang ina. Dahil sa kanyang pagtatrabaho bilang kasambahay ng pamilya Tolentino, namana ni Maria mula sa dating amo ang kanilang lumang bahay. Ngunit kahati niya sa mana si Reynaldo na ampon ng mga Tolentino at mahal na alaga ni Maria.

Subalit nang bumalik galing sa abroad si Reynaldo, nagbago ang mundo ni Maria. Hinati ni Reynaldo ang bahay at tumirang maginhawa kasama ang kanyang pamilya habang ang Maria na nag-alaga sa kanya ay pinalipat niya sa isang maliit na kuwarto sa likod ng bahay.

Pero kahit itinakwil si Maria ng batang inalagaan, mananaig pa rin ang pagmamahal ng isang ina sa kanyang taong inalagaan.


EPISODE 2 : “ILAW NG KAHAPON”

CAST:       Julia Clarete, Gladys Reyes, Perla Bautista at Dennis Trillo
DIRECTOR :  Jun Lana

Halaw ang “Ilaw ng Kahapon” sa buhay ni Emelda Quistado ng Cavite na hinahanap ang nawawalang ina at  ang kanyang paghahanap ng pamilya na matagal na niyang inaasam. Produkto kasi ng malupit na nakaraan si Emily mula sa kanyang yumaong ama kaya naging matigas ang damdamin niya kahit nakasuporta sa kanya ang kapatid na ama na si  Melba.

Naturuang magmahal muli ni Emily nang mabigyan siya ng pagkakataong makabuo ng pamilya nang dumating si Dante sa buhay niya. Naguguluhan nga lang siya kung paano maipadadama ni Emily ang uri ng pagmamahal na siya mismo ay hindi pa naranasan? Kakayanin din bang muli ni Emily ang sitwasyon kapag iniwan siya ng taong minamahal?


MARTES SANTO (APRIL 15)

EPISODE 1:   “HAKBANG SA PANGARAP”

CAST:        Michael V, Wally Bayola, Bea Binene, Assunta de Rossi at Joey de Leon

DIRECTOR :  Jun Lana

Kapwa lumpo nang magkakilala at nauwi sa pag-iibigan sina Noel at Carmen Perfecto. Kahit may kundisyon sa paglalakad, hindi alintana ng mag-asawa ang kalagayan upang makabuo ng isang masaya at normal na pamilya.

Kukumpleto sa pamilya Perfecto ang anak nilang si Nina na kahit namana ang kundisyon ng mga magulang, lumaki naman siyang masiyahin at malikhaing dalagita. Buo ang loob niyang harapin ang mundo sa labas ng Barangay Maligaya.

Sa kabila ng kakulangan, mahahanap ni Nina ang kanyang kabuuan dahil na rin sa gabay at pagmamahal nga kanyang mga magulang.
 

EPISODE 2:    “KULUNGAN KANLUNGAN”

CAST:         Maricel Soriano, Pia Guanio, Keempee de Leon, Isabelle Daza, BJ “Tolits” Forbes

DIRECTOR :  Gina Alajar

Panganay si Sedes sa apat na magkakapatid na pawang matatandang dalaga at binata.  Sa loob ng apat na dekada, siya ang nag-alaga at nagpalaki sa mga kapatid.

Protektado ni Sedes ang mga kapatid dahil ayaw niyang matulad sila sa nangyari sa mga magulang. Hindi niya namalayan na ang pagiging istrikto sa mga kapatid ang magtutulak sa kanila sa kapahamakan at masamang bisyo.

Subalit muling nanaig ang pagmamahalan nila sa isa’t isa dahil sa isang trahedyang dumating sa kanila na paalaala na kailangan pa rin nilang mahalin ang isa’t isa.
 
MIYERKOLES SANTO (APRIL 16)

EPISODE 1:   “ANYO NG PAG-IBIG”

CAST:           Pauleen Luna, Ryan Agoncillo, Jimmy Santos, Ruby Rodriguez, Krystal Reyes, Valerie Weigmann

DIRECTOR : Mike Tuviera
Kuwento ng inspirasyon ang “Anyo ng Pag-Ibig.” Ipinanganak si Venus na walang buhok at ngipin. Sa kabila ng kanyang kakulangan, hindi siya nasiraan ng loob upang magsikap sa buhay at maniwalang darating din ang kanyang one true love.
 

EPISODE 2:   “PANGALAWANG BUKAS”

CAST:   Vic Sotto, Jose Manalo, Anjo Yllana at Ryzza Mae Dizon

DIRECTOR :  Bibeth Orteza

Istorya ng tatlong tao na naligaw ng landas ang “Pangalawang Bukas” at kung paano nasubukan ang kanilang panananalig sa Diyos patungo sa pagbabalik-loob sa Kanya.

Kumakanta dati sa simbahan si Alex subalit siya ay nabulag at iniwan ng asawa. Siya ang naiwang tapag-alaga ng bata nilang anak na si Angel. Tagumpay naman talent manager si Minggoy subalit dahil sa kanyang nakatataas na amo ay nasadlak siya sa kasamaan.

Ambisyoso namang pari si Father Reyes na nangangarap maging monsignor. Gamit ang kanyang kamay na bakal, nais niyang isakatuparan ang isang malinis na simbahan. Subalit binulag siya ng ambition at pride.

Nagkrus ang landas ng tatlo dahil sa isang pangyayari sa loob ng simbahan. Kanya-kanyang akusasyon, kanya-kanyang paninidigan. Lahat ng bangayan nila ay nasaksihan ng batang si Angel. Saksihan kung paano babaguhin ng Panginoon ang tatlong taong ito na may kanya-kanyang paniniwala at paninidgan. -- PEP.Ph
 
Tags: eatbulaga