Filtered By: Showbiz
Showbiz

Jaclyn Jose, ‘Eat Bulaga!’ executive Jenny Ferre among 2016 Global Pinoy Awardees


Kabilang ang Cannes Film Festival 2016 Best Actress na si Jaclyn Jose at “Eat Bulaga!” Creative Head na si Jenny Ferre sa mga tumanggap ng Global Pinoy Award ngayong taon mula sa Mega Magazine, na nanguna sa pagdiriwang ng 7th Pinoy Pride Ball nitong Araw ng Kalayaan.

Binigyang-pugay ang “The Millionaire's Wife” actress at “A1 Ko Sa'yo” star dahil sa karangalang ibinigay niya sa bansa nang tanghalin siyang Best Actress sa prestihiyosong international film festival ngayong taon para sa kaniyang pagbida sa pelikulang “Ma'Rosa” ni Brillante Mendoza.

 

 

Iginawad naman kay Jenny ang parangal dahil sa kaniyang pagiging bahagi ng pagbuo sa phenomenal loveteam nina Alden Richards at Maine Mendoza, o ang AlDub ng “Eat Bulaga!”

Ayon sa Mega Magazine, nagbigay-daan ang creative head ng noontime show sa mga positibong pagbabago sa industriya ng telebisyon at advertisement.

Isa rin siya sa mga dahilan ng muling pagkilala sa “Eat Bulaga!” sa iba't ibang bahagi ng mundo.

“The quick wit and split-second decision making skills of Jenny Ferre has catapulted the Eat Bulaga, the longest-running noontime show to blaze trails on the social media plane–one that has surprised even themselves,” anila.

Dagdag pa ng naturang lifestyle magazine, “Today, the #AlDub phenomenon owes its roots to this genius of a woman, a true champion of the hardworking people working behind-the-scenes in television.”

 

 

Kabilang rin sa mga ginawaran ng Global Pinoy Award sina Rachelle Ann Go, Pia Wurtzbach, Charice, Ann Ong, Aisa Mijeno, Lav Diaz, Ezra Santos, Glen llamas of Wilbros Live, Ito Kish, Henry Motte-Muñoz, Margarita Fores, Jollibee, at marami pang iba.

Natanggap rin ng mga grupong 4th Impact at El Gamma Penumbra ang parangal para sa karangalang ibinigay nila sa bansa kasabay ng kanilang pagsali at pagpapakitang-gilas sa iba't ibang international contests.

Iginagawad ang Global Pinoy Award sa mga natatanging indibidwal at grupo na nagbigay karangalan sa bansa at naging daan sa mga positibong pagbabago sa kani-kanilang larangan sa pamamagitan ng kanilang talento at mga adbokasiya. — BAP, GMA News