Filtered By: Showbiz
Showbiz

Songs from ‘Imagine You & Me’ top iTunes Philippines charts


Tatlong bersiyon ng kantang “Imagine You & Me” ang nakapasok agad sa Top 3 ng iTunes Philippines nitong nakaraang linggo, kasabay ng unang araw ng digital release ng theme song para sa kauna-unahang solo movie ng phenomenal Kalyeserye stars na sina Maine Mendoza at Alden Richards.

Nasa number one ng iTunes PH top songs ang bersiyon ng Kalyeserye sweetheart at Dubsmash Queen, habang nasa ikalawa at ikatlong puwesto naman ang duet nila ni Alden at ang minus-one version ng awitin.

 

Si Maine mismo ang nagsulat ng “Imagine You & Me,” habang sina Vic Sotto at Jimmy Antiporda naman ang naglapat ng musika.

Kuwento ng batikang Kapuso host-comedian sa naunang panayam, “Napakaganda ng letra. Alam mong galing sa puso niya. Hindi basta ginawa lang dahil may pelikula at kailangan ng theme song. Hindi ganoon. May pinanggagalingan. Alam mong galing sa puso. Talagang totoo.”

“Unang basa ko pa lang, bilib na ako. Magaling siyang sumulat. Magaling siyang maglabas ng kaniyang saloobin,” dagdag pa ni Bossing.

Ipapalabas na ang "Imagine You & Me" sa mga sinehan sa Pilipinas at iba pang bansa simula sa darating na July 13.

Ayon kay Alden, isa lamang ang pelikulang ito—na kinunan pa sa iba't ibang bahagi ng Italy—sa mga sorpresa nila para sa nalalapit na pagdiriwang ng kanilang unang anibersaryo bilang love team ngayong darating na Hulyo. — Bianca Rose Dabu/AT, GMA News