Filtered By: Showbiz
Showbiz

Nothing wrong with breastfeeding in public, says Marian Rivera


Maliban sa pagiging magaling na aktres, kilala rin ang Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera bilang isang proud at hands-on mom kay Maria Letizia, ang panganay na anak at unica hija nila ng Kapuso Primetime King at “Alyas Robin Hood” star na si Dingdong Dantes.

Sa katunayan, itinuturing pa nga siya ng marami bilang isang inspirasyon dahil sa kaniyang pagpupursiging mapa-breastfeed ang anak, na kamakailan lamang ay nagdiwang ng kaniyang unang kaarawan.

Kabilang sa mga labis na humahanga sa aktres ang kaniyang matalik na kaibigan at Comedy Concert Queen na si AiAi Delas Alas.

Nitong nakaraang linggo, nag-post ng video si AiAi mula sa intimate birthday celebration ni Baby Zia.

Aniya, “Ang ulirang ina awardee... Pure breastfeed si Baby Zia... Mabuhay ka, kambal! And HAPPY BDAY SA AKING INAANAK NA MAGANDA KAGAYA KO... hehehe!”

 

Marami man ang natuwa sa naturang video, kung saan makikitang nagpapa-breastfeed si Marian, may isang netizen na tila hindi nagustuhan ang pagpapa-breastfeed ng aktres habang nasa harap ng mga bisita.

Ayon sa isang Instagram user, dapat raw na sa isang pribadong kuwarto ginawagawa ang pagpapa-breastfeed.

“Hindi maganda mag-entertain ng bisita while she's doing breastfeed, especially party. And then she's finish doing her breastfeed, pwede na silang dalawa lumabas na mag-ina,” paliwanag niya.

 


Sagot ni Marian, wala siyang nakikitang masama sa pagpapa-breastfeed sa publiko.

Aniya, “Walang masama sa pagpapadede sa anak in public lalo kung may cover naman. Hindi ka pa siguro nanay o wala ka pang anak kaya hindi mo maiintindihan. #justsaying.”

Dinepensahan rin ni AiAi ang desisyon ng kaibigan na magpa-breastfeed habang nasa birthday party ni Baby Zia.

“Walang private room doon kasi birthday ng bata sa isagn function room... Alangan naman sa CR mo padedehin si Z... Kaya nga ginawa 'yung breastfeeding infinity scarf for baby (nursing cover) para sa situations na ganito,” ayon sa Kapuso comedienne.

 


Kamakailan lamang, nakatanggap si Marian ng Breastfeeding Influencer and Advocate Award mula sa Mother and Child Nurses Association of the Philippines para sa pagiging mabuting impluwensya sa mga tulad niyang ina.

Sa ngayon, 369 na araw na ang lumipas mula nang ipanganak si Zia, at patuloy pa rin ang Kapuso Primetime Queen sa pagpupursigi na mapa-breastfeed ito.

Ayon kay Marian, “Siguro tulad ni Darna, Dyesebel, Marimar, at Amaya, naging matapang ako na harapin ang pinakamalaking pagsubok na ito—pagsubok sa tunay na buhay na makapagbigay ng gatas sa aking anak. At totoo nga. Mahirap. Masakit. Maraming sacrifices—personal man o sa career. Pero dahil sa pagmamahal ko sa anak ko, na higit pa sa pagmamahal ko sa aking sarili—ginawa ko! Nagawa ko! At patuloy ko pang gagawin!”

“Gusto ko rin magsilbing inspirasyon sa mga bagong nanay na nagbabalak mag breastfeed.  Ang blessing na natanggap ko ay gusto kong ibalik sa inyo. Dahil naniniwala ako na nasa determinasiyon ang lahat, pagpupursigi, suporta ng mga mahal sa buhay, at higit sa lahat, ang walang kapantay na commitment at pagmamahal natin sa ating mga anak. YAN ang FORMULA na kailangan!” pagtatapos niya.

 

— Bianca Rose Dabu/BM, GMA News