Filtered By: Showbiz
Showbiz

‘Money’s gone’: Blakdyak’s partner believes cause of death is not suicide


Napuno ng musika ang huling gabi ng lamay para sa komedyante at singer na si Joey Formaran o Blakdyak bago mai-cremate ang kaniyang labi ngayong linggo.

Kabilang sa mga dumalo sa tribute concert ang ilang stand-up comedian tulad nina Senator Manny Paksiw at Whitney Tyson, ang singer-songwriter na si Lito Camo, at ang rapper at komedyanteng si Andrew E., na matalik na mga kaibigan ng yumaong singer-comedian.

“Kakaiba ang mga musika niya—reggae na may aral. Kapag nakita mo siya sa entablado, kahit hindi pa siya nagsasalita ay matatawa ka na,” kuwento ni Lito sa report ng GMA News' Unang Balita.

Ayon naman kay Andrew, “After that, nang ma-discover na siya sa movie, natuwa ako at nagtuloy-tuloy na ang career niya. By that time, umusbong na rin ang singing career niya.

Nagpapasalamat ang biyuda ni Blakdyak na si Twinkle Formaran sa lahat ng mga nakiramay sa kanilang buong pamilya.

Hinihintay pa ng mga kaanak ni Blakdyak ang resulta ng otopsiya at imbestigasyon kaugnay ng kaniyang pagkamatay.

Matatandaang natagpuan ang singer-comedian sa kaniyang apartment sa Sampaloc, Manila na walang buhay, nakahubad, at may plastic bag na nakabalot sa ulo nitong nakaraang Lunes. 

Hindi man tinitignan ng mga pulis ang posibilidad ng foul play dahil naka-lock umano ang pinto ng apartment nang matagpuan si Blakdyak, naniniwala naman si Twinkle na hindi nagpatiwakal ang kaniyang asawa.

Aniya, bago mamatay ang komedyante, nakapag-hapunan pa silang mag-asawa at ipinakita pa sa kaniya ni Blakdyak ang kinita nitong P45,000 mula sa isang gig.

Hindi man nawala ang laptop at cellphone ng yumaong singer-comedian, hindi na raw natagpuan ng pamilya ang perang kinita nito.

“Biruin mo nandoon ang laptop. Ang cellphone, nasa may upuan lang din... But the money is gone,” pahayag ni Twinkle. — Bianca Rose Dabu/RSJ, GMA News

Tags: blakdyak