Filtered By: Showbiz
Showbiz
#FRIENDSHIPGOALS

Glaiza de Castro, Angelica Panganiban celebrate 15 years of friendship


“Make love, not (network) war!”— Ito nga ang ginawa ng mga aktres na sina Glaiza de Castro at Angelica Panganiban, na ipinagdiwang ang ika-15 taon ng kanilang pagkakaibigan kasabay ng kaarawan ng Kapuso actress at “Encantadia” star nitong nakaraang Sabado, January 21.

Sa isang Instagram post, ipinasilip ng Kapamilya actress ang isa sa bonding moments nilang magkaibigan kasabay ng kaniyang sweet birthday message para kay Glaiza.

Aniya, “Maligayang bati sa iyong kaarawan!!! Cheers to 15 years of friendship, amigah!”

“Napakabuti ng iyong puso. At napakahusay mo sa mga larangan na tinatahak mo. Mahal kita, amigah!! Cheers para sa mga resibo at mga krav,” pagbati pa ni Angelica.

Sagot naman ni Glaiza, “Langua hahaha! Matinee idol na pala ang pagiging magkaibigan natin. Salamat, amigah! Gayak na gayak na 'ko mangibang bansa!!”

 

 

Hindi lingid sa kaalaman ng marami na may ilang personal projects nang pinagsamahan ang dalawa, kabilang na ang self-produced album ni Glaiza na “Synthesis.”

Sa katunayan, si Angelica pa nga ang nag-compose ng isa sa mga awitin sa nasabing album.

Kamakailan lamang, natanggap ng “Synthesis” ang Gold Record award, at kabilang si Angelica sa mga naunang nagpaabot ng pagbati sa kaniyang kaibigan.

“Amigah, hindi ko ito inakala... Hindi ko pinagdudahan ang kakayahan mo. Nakakataba lang ng puso ang mga nararating mo. Tigil mo na 'yang emote mo sa 'kin! Tapusin mo na lahat ng pinadala ko sa'yo. Congrats, amigah! Mahal kita, with a resibo. Forevs, amigs,” aniya.

Sagot ng Kapuso actress, “Masaya ako para sa atin! Higher, amiga, papuntang highest! Salamat sa inspirasyon! Babalikan ko 'yung mga letra... Salamat sa mga salitang hindi ko kayang sabihin ngunit nagbigay inspirasyon sa mga himig na patuloy nating kakantahin.”

 

 

Patuloy na mapapanood si Glaiza bilang Sang'gre Pirena sa remake at retelling ng Kapuso fantasy series na "Encantadia," kasama sina Kylie Padilla, Gabbi Garcia, Sanya Lopez, Rocco Nacino, Klea Pineda, James Teng, Buboy Villar, John Arcilla, at marami pang iba. —Bianca Rose Dabu/KG, GMA News