Filtered By: Showbiz
Showbiz

AiAi Delas Alas, aktibo sa charity projects para sa simbahan


Maliban sa pagbida niya sa showbiz projects, abala rin ngayon ang Kapuso host-actress at Comedy Concert Queen na si AiAi Delas Alas sa kaniyang pagtulong sa Simbahang Katoliko at sa iba't ibang charity organizations.

Paraan raw ito upang maibahagi niya ang mga biyayang natatanggap niya, kabilang na ang pagbida sa “Hay Bahay,” “Sunday Pinasaya,” at ilang upcoming movies, pati na ang international Best Actress award na natanggap niya ngayong taon para sa kaniyang pagganap sa pelikulang “Area.” 

Nitong nakaraang taon rin, natanggap niya ang Pro Ecclesia et Pontifice (For the Church and Pope) medal mula sa Simbahang Katoliko sa pangunguna ni Pope Francis, ang "highest medal awarded to the laity by the Pope." 

Dalaga pa lamang si AiAi, nakaugalian niya na umanong tumulong sa charity at maging aktibo sa Simbahan.

Sa katunayan nga, kabilang siya ngayon sa mga tumutulong sa konstruksyon ng Kristong Hari Parish sa Quezon City.

Matapos ang benefit concert na inorganisa niya noong 2015, patuloy ang Comedy Concert Queen sa pakikipagtulungan upang mabuo ang 5,000 sq. m. na simbahan.

Aniya sa panayam ng “Unang Balita” nitong Lunes, “'Yung iba, kapag nagsisimba, nababasa ng ulan. Kawawa naman, so mas magandang malaki ang simbahan para maraming ma-accommodate na tao.”

“Marami naman kaming tumutulong sa Church. Nagkataon lang na isa ako sa speaker para maraming ma-engganyo na tumulong rin kasi medyo malaki ang gastos,” dagdag pa niya.

Kasama niyang tumutulong sa pagpapatayo ng simbahan sina Vic Sotto, Kris Aquino, Willie Revillame, Dingdong Dantes, at Alden Richards.

WATCH: AiAi delas Alas, naging emosyunal sa kaniyang benefit concert

Naniniwala si AiAi na sa harap man o likod ng camera, mas magiging maganda ang buhay kung pananatilihin ang positibong pananaw.

Ayon sa batikang artista, “Hanggang kaya ko, patuloy akong magpapaligaya ng tao.” —Bianca Rose Dabu/KG, GMA News

LOADING CONTENT