Si AiAi delas Alas ang nagwagi ng Best Actress award sa 2nd Los Angeles Philippine International Film Festival dahil sa performance niya bilang prostitute sa indie film na "Area."

 

Ang Area director na si Louie Ignacio ang personal na tumanggap ng Best Actress trophy ni AiAi sa awards ceremony na ginanap sa Southbay Pavilion, Carson, California, nitong Linggo ng gabi, October 29 (California time). 

“Thank you sa mga organizer ng Los Angeles Philippine International Film Festival.

“Nakakataba ng puso na na-recognize nila ang akting ko sa Area,” ang pasasalamat ni AiAi nang matanggap nito mula kay Direk Louie ang magandang balita ngayong umaga, October 30 (Philippine time).

Gustong-gusto ni AiAi na puntahan ang mga international film festival na kasali ang Area, pero pinagbabawalan siya dahil sa obserbasyong nananalo ng acting awards ang Comedy Queen kapag hindi ito dumadalo.

Ang Best Actress trophy ng Los Angeles Philippine International Film Festival ang ikatlong international acting award na natanggap ni Ai-Ai para sa pagganap niya sa "Area."

Siya rin ang best actress winner sa Queens World Film Festival ng New York City noong March 2017, at sa ASEAN International Film Festival sa Kuching, Malaysia, noong May 2017.

Dahil sa success ng Area sa mga international film festival, plano ni AiAi na gumawa uli ng indie movie sa 2018. -- For more showbiz news, visit PEP.ph