Pinabulaanan ng "Eat Bulaga" host at "Meant To Beh" star na si Vic Sotto ang mga espekulasyon na sinuspinde si Maine Mendoza kaya ilang araw nang hindi napapanood sa nabanggit na noontime show.

Sa ulat ni Arniel Serato sa PEP.ph nitong Martes, sinabi ni Vic sa presscon ng 2017 Metro Manila Film Festival official entry na "Meant To Beh," na ang pagkakaalam niya ay nasa bakasyon si Maine.

"Definitely not," pagtiyak ni Bossing tungkol sa mga haka-haka na suspindido si Maine, ilang araw matapos na maglabas ng open letter ang Kalyeserye princess.

READ: Maine Mendoza writes an open letter to her fans

"Ba't naman isususpende siya ng TAPE, 'no, ng Eat Bulaga?

"Lalo na kay Mr. Tuviera, respetado niya 'yang opinyon, pag-iisip, at kung anuman ang pinagdadaanan ng bawat kasama namin sa Dabarkads," saad niya.

Wala rin naman daw na napapansin si Vic kung may pinagdadaanan si Maine dahil bihira silang magkita dahil kadalasang nasa labas ito ng studio para sa segment na "Juan For All, All For Juan." -- For more showbiz news, visit PEP.ph