GMA News Online
Ulat Filipino
»
Pinoy Trivia

Pinoy boxing champ na may kapansanan sa paa

July 3, 2008 5:50pm
MANILA - Kilala nyo ba kung sinong Pinoy boxer na may kapansanan sa paa ang kabilang sa listahan ng mga itinuturing pinakamahusay na boksingero sa Pilipinas matapos sungkitin ang dalawang kampeonato sa magkaibang debisyon?

Dahil sa polio, naging maigsi ang isang paa ni Dodie Boy Penalosa. Ngunit ang kanyang kapansanan ay hindi naging hadlang upang makamit ang titulo bilang kampeon sa IBF Light Flyweight at WBA Flyweight divisions.

Taong 1983 nang makuha ni Penalosa ang bakanteng IBF light flyweight title matapos mabagsakin si Satoshi Shingaki. Tatlong ulit na matagumpay na naidepensa ni Penalosa ang kanyang titulo hanggang sa umakyat siya sa flyweight division.

Taong 1986 nang hamunin ni Penalosa ang WBA flyweight champ na si Hilario Zapata ng Panama ngunit nabigo ang Pinoy sa unanimous decision. Pagkaraan ng pitong buwan, muling lumaban si Penalosa at pinatulog si Hi Sup Shin upang maagaw ang IBF flyweight title.

Ngunit minalas si Penalosa sa unang depensa sa kanyang korona nang matalo kay Chang Ho Choi at hindi na muling nagkampeon hanggang magretiro noong 1995. Dahil dito, napabilang si Penalosa sa anim na Pinoy boxers na naging kampeon sa dalawang magkaibang debisyon. - GMANews.TV