GMA News Online
Showbiz

Dennis Trillo focuses on work, bides time for love

July 30, 2008 10:21am

Mas masaya na ngayon ang matinee idol na si Dennis Trillo na nakipag-bonding sa mga co-stars niya sa pelikulang I.T.A.L.Y (I Trust And Love You) na sina Jolina Magdangal, Rufa Mae Quinto, Mark Herras, Rhian Ramos, at Eugene Domingo. Ginanap ang presscon ng I.T.A.L.Y. last July 28, aboard the 7107 Island Cruise docked at Pier 6 sa Manila North Harbor.

Sinagot ni Dennis ang lahat ng mga katanungan mula sa entertainment press, kahit na tungkol kay Rufa Mae na minsan na ring naiugnay sa aktor. Sa presscon proper kasi ay tinanong si Rufa Mae kung ano ang masasabi niya na nakasama niya si Dennis sa isang pelikula for the first time. Sabi ng sexy comedienne, honored siyang nakasama niya for the first time sa movie ang "guwapo at pinakamagaling na artista."

Nakangiti lang si Dennis habang nagsasalita si Rufa Mae.

"Thank you sa sinabi mong magaganda," sagot ni Dennis nang siya naman ang hiningan ng reaksiyon. "Masaya rin akong makasama ka for the first time, dahil napakasaya at napaka-professional mong katrabaho. Nag-enjoy din akong kasama kayong lahat dahil napaka-professional ninyo, walang pasaway at parang iisa tayo sa pagtatrabaho, na I guess, ‘yong ginawa natin while shooting, hindi natin nagagawa kung narito tayo sa Pilipinas."

Mula sa mga kasama niya sa pelikula, nalaman ng entertainment press na mahilig palang mag-jogging at maglakad ni Dennis tuwing umaga. Nagagawa pa rin daw ng aktor ang routine niyang ito kahit nagsu-shooting. Sa pagkukuwento pa ni Mark, nagkasama rin daw sila ni Dennis sa disco bar ng barko at ibang Dennis raw ang nakita niya.

May nagtanong kay Dennis kung hindi ba siya nagdalawang-isip na tanggapin ang offer kahit hindi naman siya ang first choice to portray the role.

"Hindi ko na po inisip kung second choice lang ako," sagot niya. "Isang malaking karangalan sa akin na ako ang napili para sa role. Nang malaman ko nga po na gagawin ko ang I.T.A.L.Y. natuwa ako dahil first time kong magbibiyahe ng Europe at libre pa."

Is it true na may butt exposure siya sa movie?

"Ah, si Jolina po ang tanungin ninyo, siya ang nakakaalam kung meron!" natatawang wika ni Dennis. "O, siguro po, dapat panoorin ninyo ang movie namin para malaman ninyo kung meron talaga. Pero ire-request ko po sa inyo na panoorin ninyo ang movie, dahil magkano lang price ng ticket sa sine, pero para na rin kayong sumama sa journey namin sa three continents, five countries, and 12 cities sa Asia, Europe, and Africa; plus ang limang stories namin na nakapaloob sa pelikula."

Sa tanong naman sa kanya kung gugustuhin ba niyang magtrabaho sa barko tulad ng story nila sa I.T.A.L.Y., hindi raw dahil madali siyang ma-homesick at marami siyang mami-miss. Iyon daw kasing mga OFW sa Costa Magica ay eight months na diretsong nagtatrabaho roon at talagang tinitiis lang nilang mahiwalay ng ganoong katagal sa kani-kanilang pamilya.

Nalaman ng PEP (Philippine Entertainment Portal) mula kay Ms. Elaine Lozano, executive producer ng I.T.A.L.Y., na bago ipalabas ang pelikula sa September 17, darating sa Pilipinas si Andrea Lugo, ang Italian actress and singer na nakatambal ni Dennis. Magpo-promote na rin daw ito ng record album na ginawa niya sa Italy, kaya makakasama raw ito ni Dennis na mag-promote din ng I.T.A.L.Y.

Nakausap pa ng PEP si Dennis pagkatapos ng presscon, sa medyo gumagalaw nang 7107 Island Cruis dahil nagha-high tide na at tumutugtog na ang banda sa lounge na pinagdausan ng presscon. Kinumusta namin siya dahil medyo nagkasunud-sunod pa rin ang intriga sa kanya, lalo na sa love life.

"Okay naman po ako ngayon, medyo nababawas-bawasan na ang delubyong dumaan sa buhay ko," nakangiting sagot ni Dennis. "Marami na rin po akong natutunan sa mga pangyayari. Iyon pong mga pang-iintriga sa akin, hindi ko na lang pinapansin dahil alam ko naman kung ano ang totoo. Mas naka-focus po ako sa trabaho.

"May two taping days na lang kaming natitira ni Katrina [Halili] sa Magdusa Ka at pagkatapos, magsisimula na rin kaming mag-taping ng Gagambino. Yes, si Katrina po ulit ang makakatambal ko rito at si Topel Lee ang magdidirek."

Kinulit namin si Dennis kung wala ba talagang na-develop sa kanila ni Katrina dahil ilang buwan na rin silang magkasama sa Magdusa Ka.

"Naging close friends lang kami talaga ni Katrina, dahil matagal na rin kaming magkasama. Nauna sa Majika ‘tapos sa Darna, at ito pong Magdusa Ka. Kasunod na nga ang Gagambino.

"Siguro po, masasabi ko na lang, naging very comfortable na kami sa isa't isa kaya wala nang naiilang sa amin tulad nang gawin namin ‘yong passionate love scenes namin sa Magdusa Ka.

"Ang isa pang nagpapasaya sa akin at binibigyan ko po ng time, ang anak ko, si Calix [Andreas]. Any time naman, basta po ako libre, hindi puwedeng hindi ko siya dadalawin, nakakatuwa na po kasi malapit na siyang mag-one-year-old."

So, kailan siya muling mai-in love?

"Saka na po. Siguro kapag tahimik na ang lahat ‘tsaka na lang ako magge-girlfriend ulit," nakatawang sabi ni Dennis. - Philippine Entertainment Portal
Go to comments