ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Malacanang, DOJ binatikos sa pagbibigay ng executive clemency kay Teehankee


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Ginamit umano ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa maling paraan ang kapangyarihan nito sa pagbibigay ng executive clemency sa mga bilanggo partikular kaso ni convicted murderer Claudio Teehankee Jr, ayon sa tagapagsalita ng United Opposition nitong Martes. Kasabay nito, inakusahan naman ni Ombudsman Special Prosecutor Dennis Villa-Ignacio na nilabag ni Justice Secretary Raul Gonzalez ang patakaran ng Board of Parole bago irekomenda na palayain si Teehankee. Ayon kay Atty. Adel Tamano, tagapagsalita ng UNO, ginamit sa maling paraan ni Gng Arroyo ang kanyang kapangyarihan sa ilalim ng Konstitusyon na magkaloob ng executive clemency sa mga bilanggo nang palayain nito si Teehankee na bumaril at nakapatay sa dalawang kabataan noong 1991 at malubhang nakasugat sa isa pa. Iginiit ni Tamano na hindi ang tagal na binuno ni Teehankee sa loob ng kulungan ang higit na dapat pag-usapan sa naturang kaso, kundi ang krimen na ginawa nito. "Na-misuse ang power ng executive clemency. The reason why the Constitution gives this to the President, it is an admission minsan nagkakamali ang judicial system," paliwanag ni Tamano sa panayam ng dzBB radio nitong Martes. Sinabi ni Tamano na malinaw ang pagkakasala umano ni Teehankee nang barilin nito ng walang dahilan ang tatlong kabataan na sina Roland John Chapman, Maureen Hultman at Jussi Leino sa Makati noong 1991. Agad namatay sa tama ng bala si Chapman, habang ilang buwan comatose sa pagamutan si Hultman bago binawian ng buhay. Tanging si Leino lamang ang nakaligtas bagaman nagtamo ito tama ng bala sa panga at nagsilbing susi upang matukoy ang salarin na si Teehankee, anak ni dating Chief Justice Claudio Teehankee Sr at kapatid ng dating Justice undersecretary Manuel Teehankee. "Bakit siya ang binigyan ng pardon? There must be other more deserving persons. Why him in particular? Is it because mayaman siya? O may koneksyon siya?," tanong ni Tamano. Iginiit ni Tamano na ang mga karapat-dapat lang na bilanggo lamang ang pinagkakalooban ng pardon ng pangulo. "Ang pardoning power is with the President. The Board of Pardon and Parole can only recommend…Wala na tayong magagawa dyan. That is the prerogative of the President." Magbantay na lang Kinumpirma ni Gonzalez na nakalabas ng piitan sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City si Teehankee noong nakaraang linggo matapos pagkaloob ng executive clemency si Gng Arroyo. Sinabing ang magandang pag-uugali nito sa loob ng kulungan ang ginamit na basehan ng Board of Pardon upang irekomenda na bigyan ito ng parole. Ngunit paniwala ni Villa-Ignacio, nilabag ni Gonzalez ang Revised Rules and Regulations ng Board of Pardons and Parole na ipinatupad noong Marso 7, 2006 sa kaso ni Teehankee. Sa ilalim ng patakaran, dapat umanong ipinalathala muna ng DOJ ang pangalan ng pagkakalooban ng parole na nasangkot sa karumal-dumal na krimen, dapat inabisuhan ang pamilya at maging ang prosekusyon na humawak ng kaso. “Was there any publication of the name of Mr. Teehankee? And then there should also be notice to the convicting trial judge, prosecutor’s office and the offended party. Did they notify the family of Hultman, did they notify the family of Mr. Chapman?" tanong ni Villa-Ignacio na naging prosekusyon ng kaso laban kay Teehankee. Aminado si Villa-Ignacio na wala na silang magagawa upang mabawi ang pardon na ibinigay ni Arroyo kay Teehankee dahil karapatan ito ng pangulo sa ilalim ng Konstitusyon. “Wala ng puwedeng gawin sa susunod bantayan na lang natin. The President on her own can grant (executive clemency) motu propio, that's under the Constitution, Section 19, Article 7. You cannot question that," ani Villa-Ignacio. “Iyun lang siguro, yung failure to observe the rules that they have adopted and promulgated." Inamin naman ni Gonzalez na dapat inabisuhan ang mga partidong naagrabyado sa kaso ni Teehankee kaugnay sa naging desisyon na palayain ito. "In a way dapat meron tayo in the sense ang aggrieved parties, they are allowed to protest or object before the clemency is given. But it does not mean to say porke't nag-object ang aggrieved parties, that will stop the President from giving executive clemency," ayon sa kalihim. Iginiit din ni Press Secretary Jesus Dureza na masusing pinag-aralan ng Malacanang ang pagkakaloob ng kalayaan kay Teehankee. Idinagdag niya na walang katotohanan na may pulitika sa likod ng pagpapalaya kay Teehankee. - GMANews.TV