GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

DOH hiniling palakasin ang programa sa newborn screening

November 5, 2008 5:26pm

MANILA – Hiniling ng isang senador nitong Miyerkules sa Department of Health (DOH) na palakasin pa ang kampanya sa tungkol sa newborn screening upang mapataas ang bilang ng mga bagong silang na sanggol na makikinabang sa programa.

Sa pahayag, sinabi ni Sen Loren Legarda na marami pa ring Filipino ang wala o kulang ang kaalaman sa mga benepisyong makukuha sa newborn screening para sa kalusugan ng sanggol.

"People may have already known about it, but that they could not seem to avail of the program because, maybe, they don't know yet the procedure," paliwanag ni Legarda, vice chairperson ng Senate committee on health.

Ginawa ni Legarda ang pahayag matapos nitong mapag-alaman na walang masyadong pagbabago sa implementasyon ng newborn screening service (NBS) mula nang maging batas ang R.A. 9288 (Newborn Screening Act) noong 2004.

Ayon sa mambabatas, maaaring magsagawa ang DOH ng kaukulang kampanya tungkol sa newborn screening sa urban areas sa buong bansa sa tulong ng mga health workers.

Sinabi nito na dapat lamang bigyan ng seminar ang mga health workers tungkol sa magandang benepisyon ng newborn screening kung saan maagang malalaman ang sakit na taglay ng sanggol na maaaring lumitaw paglaki pa nito.

"The country's health workers, if properly given crash course on newborn screening, could be a good tool to create massive awareness, especially in far-flung areas," aniya.

Ayon sa talaan ng DOH, mayroon lamang 15.6 porsyento o 234,000 ng 1.5 milyong sanggol na isinisilang bawat taon ang napasailalim sa NBS procedures noong 2007.

Ang NBS ay isinasagawa sa pamamagitan ng pagkuha ng blood samples sa paa ng bata para malaman ang limang sakit na posibleng nasa bata mula nang isilang. Ang mga ito ay congenital hypothyrodism (CH), galactosemia (GAL), phenylketonuria (PKU), at glucose-6-phosphate dehydrogenase difiency (G6PD Def.). - GMANews.TV
Go to comments