PEP: Karylle to sing anthem at Pacman-De la Hoya fight
Ang ginawang pagkumpirma ng dating mag-kasintahan na sina Karylle at Dingdong sa mga balitang hiwalay na sila ay nagbigay-daan sa mas marami pang ispekulasyon. Una na rito ay ang usap-usapan na nakatakda na raw mamaalam si Karylle sa kanyang mother studio, ang GMA-7, para lumipat sa ABS-CBN, kung saan makakasama na niya ang kanyang ina, si Zsa Zsa Padilla. Pangalawa, lumabas din ang balitang kinunsidera raw si Karylle ng ABS-CBN para gampanan ang papel bilang nobya ni Ryan Agoncillo sa Pieta. Pero ang nasabing role ay napunta na kay Krista Ranillo. Para malinawan ang lahat, naisipan ng PEP (Philippine Entertainment Portal) na hingan ng pahayag ang STAGES, ang grupo nina Audie Gemora at Carlo Orosa na siya nang nagma-manage ng career ni Karylle ngayon. Ayon sa ipinadalang text message ni Oliver Oliveros, publicist ng STAGES, hindi pa rin sila makapagbibigay ng eksaktong kasagutan sa bagay na ito. Aniya, "We don't have official word yet if Karylle is moving to ABS-CBN or not." Bukod dito, diretsong tinanong na rin ng PEP si Oliver kung totoo nga bang tinanggihan na ni Karylle ang pagkanta ng "Lupang Hinirang" sa darating na boxing match nina Manny Pacquiao at Oscar dela Hoya sa Las Vegas, December 6. Ayon sa bulung-bulungan, inayawan daw ni Karylle ang offer, kahit sabihin pang malaking oportunidad ito para sa kanya bilang isang mang-aawit, dahil ayaw daw niyang magpang-abot sila ni Dingdong sa MGM Grand Hotel Garden, kung saan magaganap ang laban. May plano raw kasing tumungo sa Las Vegas si Dingdong pagkatapos ng December 5 show nila ni Marian Rivera sa Shrine Auditorium, Los Angeles. Mga ilang oras din bago kami nabalikan ni Oliver. Kinailangan raw kasi nitong tanungin ang ilang tao tungkol sa pag-awit o hindi ni Karylle sa baturang boxing match. Heto ang laman ng kanyang text message: "Karylle will go to Las Vegas to sing the National Anthem for Manny Pacquiao's big fight. It's a commitment she gave to Manny." At sa huling bahagi ng text message ay nakalagay ang pangalan ni Carlo, na tumatayong business head ng STAGES Talent Group. - Philippine Entertainment Portal