GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

NEDA tiwalang makakaahon ang RP sa krisis pampinansyal

November 12, 2008 9:24pm
MANILA – Tiwala ang National Economic Development Authority (NEDA) na hindi masyadong maapektuhan ang Pilipinas ng pandaigdigang resesyon na inaasahang tatama sa susunod na taon.

Ang pahayag ay ginawa ni NEDA director-general Ralph Recto nitong Miyerkules matapos dumalo sa budget hearing sa Senado. Aniya malabong mangyari sa Pilipinas ang pinapangambahang resesyon dahil na rin sa paghina ng ekonomya sa buong mundo.

“Para maiwasan ang recession, dapat gamitin ng gobyerno ang gastusin nito sa tamang pamamaraan partikular sa mga proyektong makalilikha ng trabaho, magpapasigla sa maliliit na negosyo lalo sa impraestraktura," ayon kay Recto.

Ang pananaw ni Recto ay taliwas sa posisyon ng ilang myembro ng Makati Business Club (MBC) na nagpahayag na lubhang maapektuhan ng mararanasang resesyon sa US ang ekonomya ng Pilipinas.

“Dapat palakasin ng gobyerno ang tulong at programa nito sa small and medium enterprises na siyang magpapalakas sa lokal na ekonomya at makapagbibigay ng trabaho sa karamihan," paliwanag ni Recto, isang ekonomista.

Inaasahan ng NEDA na babagsak ng halos 30-35 porsyento ang koleksyon sa corporate income tax sa susunod na taon na makatutulong naman umano sa mga kumpanya upang maiwasang magtanggal ng mga manggagawa.

“Patuloy na bumababa din ang inflation na siyang malaking indikasyon na hindi gaanong hahagupitin ng recession sa US ang ating bansa," paliwanag ni Recto.

Idinagdag ng opisyal na nagbibigay ng babala ang ilang myembro ng MBC dahil sa kawalan ng katiyakan na mababawi ng mga lokal na kumpanyang ang kanilang puhunan sa mga naluging bangko sa US.

“Nagkakaroon ng pangamba ng recession ang mga myembro ng MBC dahil hindi malinaw na mababawi nila ang kanilang investment sa malalaking bangko sa Estados Unidos na bumagsak," paliwanag ni Recto. - GMANews.TV
Go to comments