ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

7 pa dinakip kaugnay ng Parañaque shootout


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Tatlo pang suspek na pinapaniwalaang myembro ng sindikatong nakasagupa ng mga awtoridad sa Paranaque City nitong Biyernes ng gabi ang nadakip ng mga pulis nitong Sabado. Sa ulat ng GMA news Flash Report nitong Sabado, inihayag ni Metro Manila police chief Director Leopoldo Bataoil na bukod sa tatlong nakatakas umano sa shootout sa Paranaque ay apat pang tao ang kanilang nahuli sa follow-operation sa Cavite. Bagaman hindi binanggit ang pangalan ng mga nadakip, sinabi ni Bataoil na ang kabuuang pitong tao na dinakip ay nakuha sa bayan ng Bacoor sa Cavite. Samantala, sa kabila ng pagkakadamay ng limang sibilyan na napatay sa engkwentro kasama ang 10 suspek at isang pulis, pinuri ni PNP Chief Jesus Verzosa ang pinagsanib na pwersa ng Traffic Management Group, Special Action Force, National Capital Region Police Office at Naval Intelligence and Security Force, na nakasagupa ng mga hinihinalang miyembro ng Waray-Waray at Ozamis robbery groups. “I have instructed NCRPO Chief, Director Leopoldo N Bataoil to form an After-Encounter Assessment Committee that will conduct a complete background investigation of the slain suspects and to possible identify other suspects who were able to elude arrest in last night's operation," ayon kay Verzosa. Dahil sa mga nakumpiskang matataas na kalibre ng baril sa mga suspek, sinabi ng hepe ng pulisya na nakatitiyak umano na organisadong grupo ang kanilang nakasagupa na pinapaniwalaang responsable sa serye ng panloloob sa ilang establisimyento sa Metro Manila at karatig lalawigan. “But the successful operation did not come without a price, SAF Trooper PO1 Nixon Vinasoy, four civilians and a security guard were killed as a result of the encounter," ayon kay Verzosa. Kabilang sa nasawi ang mag-amang Alfredo De Vera at 7-taong-gulang na anak nito na si Leah Alyanna na binaril habang sakay ng isang sport utility vehicle na naipit umano sa putukan ng mga pulis at mga suspek. Sa panayam ng dzBB radio nitong Sabado, sinabi ni Lilian De Vera na kauuwi lang ng Pilipinas kanyang asawa na si Alfredo na isang seaman. Sinabi nito na dapat bago pa mag-Pasko ito uuwi ngunit napaaga dahil sa kagustuhang makasama ang anak na si Leah Alyana na nagdiwang ng kaarawan noong Nobyembre 3. - GMANews.TV