GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Sec Pangandaman 'di kasama sa 'gulpihan' sa golf course -- report

December 27, 2008 10:07pm
MANILA – Plano ng Antipolo police na sampahan ng kasong physical injuries ang anak ni Agrarian Reform Secretary Nasser Pangandaman Sr. at lima nitong bodyguard na nanakit umano sa mag-amang naglalaro ng golf sa Valley Golf and Country Club sa Antipolo noong Biyernes.

Sa ulat ng dzBB radio nitong Sabado, nahaharap sa asunto ang anak ni Pangandaman na si Masiu, Lanao del Sur Mayor Nasser Pangandaman Jr., at lima nitong tauhan.

Kaugnay ito sa paggulpi umano nila kina Delfin dela Paz, 56- anyos at anak nitong si Bino, 14-anyos.

Napag-alaman naman ng GMANews.TV na naghain ng kontra reklamo laban sa mga Dela Paz ang nakababatang Pangandaman sa pulisya ng Mayamot, Antipolo.

Hiwalay na ulat ng Bombo Radyo, sinabi ni Mayor Pangandaman na pinalo siya ng payong ng nakatatandang Dela Paz.

Napag-alam naman ng mga imbestigador na tanging ang batang Pangandaman at mga bodyguard lamang nito ang sangkot sa kaguluhan at hindi kasama si Sec Pangandaman.

Inamin ni Dela Paz sa panayam ng DZBB na hindi siya nakatitiyak na kasamang nanakit sa kanilang mag-ama ang kalihim.

“In fairness sa DAR chief, parang hindi ako sigurado kung naki-tadyak siya kasi bumagsak na ako at hindi ko masyadong makita kung kasama siya," paliwanag ni Dela Paz.

Sa Internet blog ni Bambi Dela Paz, anak ni Dela Paz at kasama sa golf course nang mangyari ang kaguluhan, ikinuwento nito ang nangyaring insidente na nag-ugat umano sa panuntunan sa paglalaro ng golf.

Nakita umano ni Bambi kung papaano sinaktan ng alkalde ang nakababata niyang kapatid na si Bino kahit nakikiusap na ang huli. Nagsisigaw din umano ang alkalde sa caddy nito na: Hindi nila kami kilala! Sabihin mo nga sa kanila kung sino ako."

“I lash out, but my dad held me back. I was screaming my lungs out, shouting to this mayor, telling him about what he had done. I said: ‘Nakakahiya kayo. Singkwenta'y sais anyos ang tatay ko. And kapatid ko kakatorse anyos. Anong ilalaban nila sa’yo?,’" nakasaad sa blog ni Bambi.

Sa loob ng clubhouse, nakita umano ng isa pa nilang kapatid na nagdurugo ang kanang taenga ni Bino kaya ito nagalit. Dito umano bumunot ng baril ang dalawang bodyguard ng alkalde.

“I am pretty sure the Secretary of DAR did not take part in the fight, but he just watched all this happen. He watched two of his sons, as we figured out, the other guy was his son, too, beat up my father and my 14-year-old brother. He didn't do anything to stop it. And this person is what now? A Cabinet member. A politician," pagpapatuloy ni Bambi.

“The world has gone crazy. Two politicians beat up a defenseless 56-year-old father and his 14-year-old son. At a golf course. I swear to God, I thought golfers were decent people. You would think politicians were decent people. I guess not. I guess they gang up on 56-year-old men and beat up pleading 14-year-old kids," idinagdag niya. - GMANews.TV
Go to comments