GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Mga aksidente sa kalye: 3 patay, mahigit 70 sugatan

January 2, 2009 10:35pm
MANILA – Tatlo ang patay at hindi bababa sa 70 ang sugatan na sumalubong sa 2009 bunga ng magkakahiwalay na sakuna sa kalye na naganap sa Ilocos Norte, La Union, Bulacan at Batangas.

Sa Bannan, Ilocos Norte, kasama ang mag-amang Gregorio Gorospe at Loreine Gaygay sa tatlong nasawi nang mahulog sa bangin ang sinasakyan nilang Isuzu Elf truck matapos itong mawalan ng preno nitong Huwebes ng hapon.

Mahigit 40 iba pa na sakay ng trak na minamaneho ni Christopher Guzman ang isinugod sa mga ospital.

Pauwi na umano ang mga biktima na pawang magkakamag-anak mula sa nakaugaliang pamamasyal tuwing Bagong Taon nang maganap ang trahedya.

Ayon kay Guzman, nawalan siya ng kontrol sa trak nang mawalan na ito ng preno. Karamihan sa mga pasahero ay nakasakay sa likod ng trak.

“Hindi ko naman po alam, hindi ko sinasadya na ganun ang mangyayari. Kasi hindi ko naman alam na maaksidente kami," paliwanag ni Guzman na nasa kostudiya na ngayon ng pulisya.

15 sugatan sa La Union

Isang pampasaherong jeepney naman ang tumaob sa Sitio Padang sa bayan ng San Gabriel sa La Union na nagresulta sa pagkakasugat ng 15 pasahero nitong Biyernes.

Patungo umano sa San Fernando City ang jeepney na minamaneho ni Francis Papat-ing, 25, nang mawalan ito ng preno.

Ayon sa pulisya, 19 lamang ang kapasidad ng jeepney ngunit 35 ang sakay nito nang maganap ang aksidente.

Kabilang sa mga biktima na nagtamo ng bahagyang pinsala sa katawan ay sina Anna Sadakin, 26; Ernesta Malipat, 26; Mabini Daclay, 55; Ronalyn Lagasan, 19; Clark Buntogan, 27; Rebecca Habalsig, 51; Janet Tangway; Ben Aliba; Gemma Canutab; Lorie Banito, 75; Emilio Subalan, 75; Jenna Halabal, 23; Zenaida Tum-ab; Ernest Limon, 20; at Jona Cieno, 18.

Bus vs trak sa Batangas

Sumalpok naman sa puwetan ng isang 10-wheeler truck ang isang pampasaherong bus sa Southern Tagalog Arterial Road (STAR) sa Southern Luzon, sakop ng Batangas nitong Biyernes.

Ayon kay STAR tollway security supervisor Al Ocfemia, naganap ang aksidente dakong 6:10 a.m. na kinasasangkutan ng RRCG passenger bus na minamaneho ni Isidro Ramos.

"Mga minor lang naman ... ang sabi ng passenger, tailgating (ang bus)," pahayag ni Ocfemia sa panayam ng dzBB radio.

Idinagdag ni Ocfemia na hindi naman nasaktan ang drayber at pahinante ng trak.

Lumitaw sa pagsisiyasat na patungo sa Lipa City sa Batangas ang dalawang sasakyan nang mangyari ang insidente.

Pito nabiktima sa Bulacan

Pitong tao naman ang nasaktan nang banggain umano ng isang owner-type jeep ang limang motorsiklo sa flyover ng Barangay Biñan II sa Bocaue, Bulacan nitong Biyernes.

Sa ulat ng dzBB radio, ilan sa mga biktima na isinugod sa pagamutan ay kinilalang sina Sarah Jane Tapia, Maricel Buenaflor at Paul Zariaga.

Dinakip naman ang drayber ng jeep (CNU-502) na si James Sagum. - Fidel Jimenez, GMANews.TV