ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
9 pulis inirekomendang kasuhan kaugnay ng P'que shootout
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA â Sasampahan ng kasong administratibo ang siyam na pulis, kabilang ang tatlong opisyal kaugnay sa pagkamatay ng isang pitong-taong gulang na babae at ama niya sa engkwentro sa Paranaque City noong nakaraang buwan. Ito umano ang resulta ng ginawang imbestigasyon ng Internal Affairs Service (IAS) ng Philippine National Police (PNP) kung saan nakita ang kapabayaan ng mga pulis sa pagkamatay nina Alfonso de Vera at anak nitong si Lia Alyana. âThe participating elements had some lapses in police procedures because they were not able to prevent innocent civilians from death and injuries," pahayag ni IAS inspector general Police Director Jaime Tagaca. Nahaharap sa kasong neglect of duty at grave misconduct sina Chief Insp. Joel Mendoza, Chief Insp. Lawrence Cajipe, Insp. Gerardo Balatucan, PO3 Jolito Mamanao Jr, PO3 Fernando Rey Gapuz, PO2 Eduardo Blanco, PO2 Edwin Santos at PO1 Josil Rey Lucena. Inirekomenda rin na kasuhan ng paglabag sa karapatang pantao si P01 Elybeer Cayaban. Ang mga pulis ay pawang nakatalaga sa PNP-Highway Patrol Group na kasama sa pwersa ng pulisya na nakasagupa ng mga myembro ng Waray-Waray/Ozamis robbery-holdup group. Ayon kay Tagaca, nakita ang basyo ng bala ng Cal. 45 na katulad ng baril ni Cayaban sa lugar kung saan napaslang ang mag-ama. Ngunit nilinaw ni Tagaca na hindi nangangahulugan na si Cayaban ang nakabaril sa mag-ama dahil korte na umano ang magdedesisyon nito base sa mga ebidensya. Bukod sa ebidensya, pinagbatayan din umano ang mga testimonya ng mga testigo sa pagsasampa ng reklamo laban sa mga pulis, idinagdag ng opisyal. Kabilang sa mga napuna ni Tagaca na kapabayaan ng mga pulis ay ang kabiguan nilang pigilan ang sasakyan ng mag-amang De la Paz na makarating sa lugar kung saan may isinasagawang operasyon United Parañaque Subdivision. Ang siyam na pulis na pinipigil sa HPG headquarters sa Camp Crame habang hindi natatapos ang imbestigasyon sa kanilang kaso. Kung mapatunayan na nagkasala ang mga pulis, ang pinakamabigat na parusa na maaari nilang kaharapin ay pagkakatanggal sa serbisyo at ang pinakamababang parusa naman ay suspensyon sa trabaho ng anim na buwan na walang sahod. â GMANews.TV
More Videos
Most Popular