GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Kumpanya na nagmimina sa Bulacan wala raw nilalabag na batas

January 13, 2009 7:03pm

Tags: Bulacan
MALOLOS CITY, Bulacan – Nanindigan ang pamunuan ng Rosemoor Mining and Development Corporation (Rosemoor) na wala silang nilalabag na batas kaugnay sa pagmimina ng marmol sa lalawigang ito.

Ito ay sakabila ng paninindigan ni Bulacan Governor Joselito Mendoza na pigilin ang pagmimina sa Biak-na-Bato na nagdudulot umano ng panganib sa mga residente sa lugar.

Sa pahayag, sinabi ni Zenaida Pascual ng Rosemoor na legal ang kanilang operasyon taliwas sa alegasyon ni Mendoza na may iregularidad sa kanilang pagmimina ng tea rose marble sa Biak-na-Bato mineral reservation area sa bulubunduking bayan ng Donya Remedios Trinidad.

"We are paying taxes and employing Bulakenyo workers," ayon kay Pascual, biyuda ni Engineer Constantino Pascual, dating pangulo ng Rosemoor na napatay sa ambush sa San Miguel, Bulacan noong Hunyo 2008.

Sinabi ni Pascual na mahigit P100,000 na ang naibayad ng kanilang kumpanya sa buwis mula nang bigyan sila ng Ore Transport Permit (OTP) ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) noong Setyembre 2008.

Nilinaw din niya na hindi pa sila nag-uumpisang magmina at sa halip ay inilalabas pa lamang ang mga tipak ng marmol na namina na bago pa man makansela ang kanilang mining permit noong Hulyo 2006.

Una rito, kinuwestyon ni Mendoza ang ibinigay na permit ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng OTP sa Rosemoor sa kabila ng kahilingan ng pamahalaang panlalawigan na pansamantalang suspindihin ang operasyon nito habang patuloy na iniimbetigahan ang kumpanya.

Sinasabing ibinigay noong Disyembre 23 ang OTP sa Rosemoor na epektibo sa loob ng 30 araw mula nang ipalabas ang permit. May karapatan ang Rosemoor na magmina ng 124 bloke ng marmol, semi-marble blocks at scraps na umaabot sa 511.85 cu.m.

Iginiit ng gobernador na nabigo ang DENR-Mines and Geosciences Bureau (MGB) na suriin ang kanilang mga argumento tungkol sa mga iregularidad ng Rosemoor.

Batay umano ito sa magkatuwang na inspeksyon na ginawa noong Oktubre 24, 2008 sa Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) Contract Area ng RMDC na binubuo ng mga empleyado mula sa Bulacan Environment and Natural Resources Office, MGB Regional Office III, elemento ng PNP 306th Mobile Group, at mga kinatawan ng BUNDUK, Inc.

Hinamon ni Mendoza ang DENR na dinggin ang mga reklamo na ang patuloy na quarrying sa Biak-na-Bato ay nagdudulot ng panganib sa mga residente sa lugar.

May sertipikasyon din umano ang pamahalaan panlalawigan mula sa Sangguniang Bayan ng Dona Remedios Trinidad na nagpapatunay na walang deliberasyon o pag-endorso sa MPSA ng RMDC.

Ang dokumentong ay magpapatunay umano na walang ipinalabas na kautusan ang pamahalaang panlalawigan at lungsod na iendorso ang operasyon ng Rossmore na kailangan para sa ipalabas ang MPSA. - GMANews.TV
Go to comments

Tags: Bulacan