ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

E-trike na gawa sa Bulacan pasado sa pagsusuri


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MALOLOS CITY, Bulacan — Inaasahang maibibigay na ang orange plate para sa mga electric tricycle o E-trike matapos itong pumasa sa pagsusuri ng Land Transportation Office (LTO) nitong Huwebes. Kailangan na lamang inspeksyunin ang pagawaan ng environment friendly tricycle sa Marilao sa lalawigan ding ito bago tuluyang ipagkaloob ang plaka sa sasakyan na naimbento ng isang Bulakeno. Umaasa si Allan Aguilar, konsehal sa Marilao at nakaimbento sa E-trike, na maipagkakaloob na sa sasakyan ang orange plate sa lalong madaling panahon. "Pasado na kami speed and carrying capacity test," ayon sa konsehal. Ginawa ang pagsusuri sa tricycle na pinatatakbo sa pamamagitan ng baterya sa LTO Central Office sa Quezon City. Ang E-trike umano ni Aquilar ang unang electric powered tricycle na nakapasa sa pagsusuri ng LTO. Nakapasa ang E-trike sa 40 kilometer per hour maximum speed, at 250 kilogram carrying capacity sa paakyat na kalsada. Ayon kay Aguilar, kailangan na lamang inspeksyunin ang kanilang pagawaan sa Marilao bago sila pagkalooban ng manufacturers accreditation at orange plate. Sinabi ni Aguilar na marami ng umuorder sa kanila ng E-trike ngunit hindi pa sila makagawa ng maramihan dahil wala pa silang akreditasyon. Kaya umano nilang gumagawa ng dalawang E-trike sa loob ng isang linggo. Hindi tulad ng karaniwang tricycle na pinapatakbo ng gasolina, walang ingay at usok ang E-trike kaya environment friendly ito. Tinatayang P20 lamang ang magagastos sa pag-charge ng baterya nito na kayang tumagal ng ilang oras. Mas matipid umano ito kumpara sa de-gasolinang tricycle na kumukonsumo ng P250 bawat araw. - GMANews.TV