ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pamasahe sa jeepney sa MM babawasan sa susunod na linggo


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Posibleng tapyasan ng 50 sentimos ang singil sa pamasahe sa mga pampasaherong jeepney sa Metro Manila sa susunod na linggo. Sa ulat sa isang himpilan sa radyo nitong Martes, sinabing pabor sina Zenaida Maranan, presidente ng Federation of Jeepney Drivers and Operators (Fejodap), at Efren de Luna, presidente ng Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO), na ibaba ang minimum fare sa P7 mula sa kasalukuyang P7.50. Ngunit tanging sa mga pampasaherong jeepney lamang sa Metro Manila maaaring ipatupad ang fare rollback at hindi pa masasaklaw ang mga nasa lalawigan. Napagkasunduan umano ang fare rollback matapos dumalo sina Maranan at De Luna sa isang pulong sa Malacanang kasama si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, miyembro ng Gabinete at mga opisyal ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board. Sinabi ni LTFRB chairman Alberto Suansing na ikinatuwa ni Gng Arroyo ang planong pagbawas sa singil sa pamasahe. Inihayag naman ni George San Mateo lider ng Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston) na hihintayin muna nila ang resulta ng pagpupulong sa LTFRB sa Miyerkules. "Hihintayin namin ang mangyayari bukas… Pangit naman na paasahin mo ang mga commuter kaagad-agad," ayon kay San Mateo. Una rito, sinabi ng National Council for Commuters Protection (NCCP) na maaaring P1 ang ipatupad na fare rollback sa mga pampublikong sasakyan kung pagbabatayan ang presyo ngayon ng mga produktong petrolyo. – GMANews.TV