ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Robin hopes Royette can take Bebe Gandanghari


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA, Philippines – Umaasa si Robin Padilla na matututunan ding tanggapin ng Kuya Royette niya si Bebe Gandanghari, ang bagong katauhan ng kanilang kapatid na si Rustom. Inamin ni Robin sa entertainment talk show na "Startalk" nitong Sabado na siya man ay nagulat nang una niyang malaman na "pinatay" ng kanyang kapatid si Rustom para bigyan buhay si Bebe Gandanghari. "Nang sinabi yun nasa Baguio ako nun nagti-training ako, nilakasan ko na lang yung suntok sa punching bag," biro ni Robin na tampok sa bagong action series ng GMA Network na "Totoy Bato." Ayon pa kay Robin, minsan ay dinalaw siya ni Royette sa taping at naglabas ito ng salaobin tungkol sa pagbabagong anyo ni Rustom. "Nung magkausap nga kami ni Royette isang araw pumunta sa taping medyo nababagabag siya, sabi ko, 'Tol, hayaan mo na ‘yon. Importante masaya yun kapatid natin'," paliwanag niya. Idinagdag ni Robin na hindi na kwestiyon para sa kanilang pamilya ang pagsuporta kay Bebe. Ang mahalaga ay masaya ang kanyang kapatid at wala itong ginagawang krimen. Maging si Rommel ay umamin na nasaktan nang una niyang malaman na "pinatay" ni Bebe ang kapatid nilang si Rustom. "Parang hindi tama yung nasabi nya si Rustom ay patay na. Dahil ang dating sa akin parang patay na rin si Rommel, patay na si Royette, patay na si Robin. Si Rustom ang nakamulatan naming tao," paliwanag niya. Tulad ni Robin, suportado na rin daw ni Rommel ang pag-usbong ni Bebe basta’t alam nya ang kanyang magiging limitasyon. Pero nauunawaan din daw niya ang pagtutol ng kanilang Kuya Royette kay Bebe. "Siyempre kuya si Roy. Hindi mo maaalis na mag-react ng ganun. Kuya namin si Royette at malungkot sa isang kuya na mawalan ng isang kapatid na lalaki," paliwanag ni Rommel. Ayon naman sa kanilang Mommy Eva Carino, hindi niya pa nakakausap nang personal si Royette pero tumawag na ito sa kanya sa telepono. "Hindi ko pa nakakausap si Royyete nang personal, pero siguro ang sasabihin lang ni Royette sa akin: 'Bakit ganun, Mama? Bakit ginawa ni Rustom yun ganun?’ Sasabihin ko lang sa kanya: ‘Wala tayong magagawa. Sarili niya yun, buhay niya ‘yon. ‘Di ko naman pwedeng hadlangan ang kung ano gusto nya'," pahayag ni Mommy Eva. Aminado rin si Mommy Eva na hindi naging madali sa kanya ang pagbabagong katauhan ni Bebe na hanggang ngayon ay Rustom pa rin ang tawag niya sa anak. "Noong una hindi madaling tanggapin parang na-high blood ako. Pagtagal-tagal naman nag-usap naman kami sabi nya: ‘Wala naman ako mamang ginagawang masama.’ Sabi ko: ‘Sige kung ‘yan ang kaligayahan mo. Pero isa lang paalala ko sa kanya na huwag nyang kalilimutan ang salita ng Diyos," kwento ng kanilang ina. Ano naman kaya maipapayo ni Robin at Rommel sa kanilang kapatid na si Bebe? "Okey lang yun. Kung anong mapagtripan nila. Basta masaya s’ya, ang opinyon namin dun hindi na importante," ayon sa bagong “Totoy Bato." "Basta, tol, [kung] diyan ka masaya, alam mo naman siguro kung hanggang saan ang hangganan. Siguro may mga sektor na talagang hindi abot ‘yan, like sa amin sa faith naman sa Islam religion hindi accepted yun ganun. Kanya- kanyang pananaw ‘yan. Yung nasa itaas lang ang pwedeng maghusga sa atin." - Fidel Jimenez, GMANews.TV