GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Mas maraming lalaki kaysa babae: Bilang ng mga walang trabaho tumaas

March 17, 2009 4:05pm
MANILA – Tumaas ang bilang ng mga Filipino na nakararamdam ng hagupit ng krisis sa ekonomiya batay sa paglobo ng bilang ng mga walang trabaho nitong Enero ng taon, ayon sa pagsusuri.

Batay sa talaan ng National Statistics Office (NSO), umakyat ang bilang ng mga walang trabaho sa 2.855 milyon nitong Enero. Mas mataas ito sa 2.675 milyon na naitala sa kaparehong buwan noong 2007.

Ang lakas paggawa naman o mga naghahanap ng trabaho na nasa edad 15 pataas ay umakyat sa 58.657 milyon ngayong Enero 2008, kumpara ito sa 57.39 milyon noong nakaraang taon.

"Among the regions, the highest unemployment rate was recorded in the National Capital Region (NCR) at 14 percent," ayon sa pahayag ng NSO nitong Martes.

Bukod sa NCR, mataas din ang bilang ng mga walang trabaho sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal and Quezon), Central Luzon, Ilocos Region at Central Visayas.

Sa kabila nito, dumami ngayong taon ang mga nabigyan ng trabaho sa bilang na 34.258 milyon mula sa dating 33.693 milyon sa kaparehong panahon.

Karamihan sa mga walang trabaho ay kinabibilangan ng mga nagtapos sa high school (32.7 porsyento), college undergraduates (22.2 porsyento), at mga nagtapos ng kolehiyo (18.3 porsyento).

Mas marami rin ang lalaki na walang trabaho (64.1 porsyento), kumpara sa mga babae (35.9 porsyento).

Samantala, bahagyang bumaba ang bilang ng mga underemployed na naitala sa 6.238 milyon ngayon taon, kumpara sa 63.4 milyon noong 2007.

Karamihan sa mga may trabaho ay nasa service sector (51.2 porsyento), agriculture (34.6 porsyento) at industry (14.2 porsyento).

"Among the various occupation groups, laborers and unskilled workers registered the largest group at 31.9 percent of the total employed persons in January 2009. Farmers, forestry workers and fishermen were the second largest group, accounting for 17.3 percent of the total employed," ayon sa NSO.

Mas marami din ang bilang ng mga naghahanap ng trabaho kumpara sa mga walang trabaho. Ang mataas na bilang ng mga naghahanap ng trabaho ay pinapaniwalaang bunga ng mga programang inilatag ng pamahalaan at pagpapadala ng mga manggagawa sa ibang bansa.

"There was growth, and it contradicted the data on exports," ayon kay Victor Abola, economist mula sa University of Asia and the Pacific.

"The growth was probably the cumulative effect of OFWs (overseas Filipino workers) and I guess government’s on pump-priming," idinagdag niya.

Ang pagtaas umano ng bilang ng mga naghahanap ng trabaho ay indikasyon na tumitindi ang hirap sa buhay ng mga Filipino. - GMANews.TV
Go to comments