ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Alan handa raw harapin si Ping tungkol sa ethics probe vs Villar


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Inihayag ni Sen Alan Peter Cayetano na handa niyang harapin sa debate si Sen Panfilo Lacson anumang oras kaugnay sa umano’y “procedural lapses at premature decision" ng Senate Ethics Committee sa reklamo laban kay Sen Manny Villar. Sa panayam ng media nitong Biyernes, sinabi ni Cayetano na nakahanda siya sa anumang debate o diskusyon sa kontrobersyal na desisyon ng Ethics committee na pinamumunuan ni Lacson. Una rito, binatikos nina Cayetano at Senate Minority leader Aquilino Pimentel si Lacson at mga kasapi ng komite dahil mayroon kaagad itong desisyon sa reklamo laban kay Villar tungkol sa C-5 Road project kahit wala pang isinasagawang pagdinig. “Anytime, anywhere puwede ako for open discussion. Ayoko lamang ng closed discussion dahil we are not lobbying for us, but for fairness," ayon kay Cayetano. Nanindigan si Lacson na walang iregularidad sa naging desisyon ng komite kahit pa ipinaikot na sa mga kasapi ng komite para papirmahan ang “order" na nagdedeklarang “sufficient in form and substance" ang reklamo ni Sen Jamby Madrigal isang araw bago pa isagawa ang unang pagdinig sa kaso ni Villar. Magsasagawa umano si Lacson ng privilege speech sa Lunes para sagutin ang mga paratang nina Cayetano at Pimentel na “unethical" ang maagang paghuhusga kay Villar. “What we are doing is stopping them for doing unethical. Unwittingly, Ping Lacson and members of the committee may be helping people who are pushing Charter change and wanted to abolish Senate," ayon kay Cayetano. Ipinaliwanag ni Cayetano na kapag bumagsak ang integridad ng Senado at nawala ang tiwala ng publiko sa kapulungan dahil sa ginagawang pang-aabuso umano ng ilang senador ay magkakaroon ng dahilan ang mga nagtutulak na sistemang “unicameral system" na buwagin ang Senado at isagawa ang Charter change. “We must have an ethics committee who has no motive against fellow senator kasi malinaw from the very start, wala kaming nakikitang fairness. Tanging nakikita ni Lacson na guilty si Villar. Wala siyang ibang nakikita kundi guilty lang si Villar," idinagdag ni Cayetano. Nakatakdang resolbahin sa Lunes sa pamamagitan ng all senators caucus na ipinatawag ni Senate President Juan Ponce Enrile ang naging aksyon ng komite ni Lacson. “Gusto lang namin na protektahan ang institusyon ng Senado na kinikilalang huling sandigan ng katotohanan sa gobyerno ngayon and stop Ping for doing unethical decision," pahabol ni Cayetano. - GMANews.TV