GMA News Online Ulat Filipino » Balitang Pinoy

Pagdinig ng Senado sa 'Hayden cam' scandal naging 'mainit'

May 28, 2009 11:48pm
MANILA – Magkahalong aksiyon, drama at komedya ang unang pagdinig ng Senado nitong Huwebes sa kontrobersiyal na sex videos ni Dr Hayden Kho kung saan katalik umano nito ang iba’t-ibang babae kasama ang aktres na si Katrina Halili.

Aminado maging si Sen Ma Ana Consuelo Madrigal, chairperson ng Senate committee on women, children and family relations, na hindi talaga maiiwasan na magkaroon ng kaguluhan sa pagdinig dahil sa inaasahang pagdagsa ng miron.

“Wala tayong magagawa, ginawa natin ang pwede nating gawin kaya nagpakuha na nga ako ng gavel, ng martilyo , kaya nag-quiet ng konti, ngunit this is a highly charged issue. Kaya kung sana maiwasan, sana ayoko nang maghearing," ayon kay Madrigal.

Bago pa man magsimula ang pagdinig dakong 1:30 p.m., dagsa na ang mga tao na nag-abang sa pagdating nina Halili at Kho sa Geronima Pecson room ng Senado.

Magkasunod na dumating sa Senado sina Kho at Halili pero hindi kaagad sila nagtagpo dahil inilagay sila sa magkahiwalay na “waiting area" dahil naantala ng kalahating oras ang pagdating ni Madrigal.

Ilang tao rin ang sumigaw ng “maniac" nang makita si Hayden, at mayroon din pumuri sa kaguwapuhan ng duktor.

Isang lalaki rin ang namahagi ng ilang damit na may nakasulat na, “Beware of Hayden camera" and “I’m (sic) never gonna dance again."

Tensyon at Aksyon


Nagkaroon din ng tensyon sa pagdinig nang magbanta si Atty. Lorna Capunan, abogado ni Kho, na magwo-walkout kapag hindi ginawang executive session o close-door ang pagdinig.

Hindi ito nagustuhan ni Sen Jinggoy Estrada at nagtaas ng boses na pinagsabihan si Capunan na huwag turuan at takutin ang komite sa ginagawang pagdinig.

Nang iginiit ni Estrada na nais niyang manatili si Kho sa pagdinig, nagpalakpakan ang mga tao nagmamasid sa pagdinig.

Naging misteryo rin kung sino ang tinutukoy na tao ni Kho na nagbabanta umano sa kanyang buhay na may kaugnayan sa droga na kaya umano siyang ipapatay anumang oras.

Sa kabila ng paulit-ulit na paghikayat kay Kho na tukuyin ang tao kahit isagawa ang pagdinig sa executive session, sinabi ng duktor na isisiwalat lang niya ito kapag nakalabas na ng bansa ang kanyang pamilya.

Naging maaksyon din ang tagpo sa pagdinig nang buhusan ng tubig ng dating Makati police na si Abner Afuang si Hayden. May nakasabit na press ID si Afuang bilang isang tabloid columnist kaya malayang nakalapit sa duktor.

Sinabi ni Afuang na napanood niya ang video ni Hayden kay Halili at naaalala nito ang nag-iisang anak na babae kaya labis ang galit sa duktor. Kaagad namang dinakip ng Senate security si Afuang at posibelng kasuhan ng contempt.

Drama at komedya

Naging madrama naman ang tagpo nang magbigay ng kanyang paunang pahayag si Katrina at ikinuwento kung papaano nahulog ang kanyang loob kay Hayden.

“Ako raw ang prinsesa niya sa ikalawa niyang mundo. Bata po ako, madali niya akong napaniwala. Ako ang biktima rito. Araw-araw biktima ako habang pinapanood ang nasabing video. Hangad ko po ang hustisya at hukuman kahit habang buhay ko nang dadalhin ang ginawa sa akin," pahayag ng aktres.

“Patay na ako pero may video pa rin at Internet. Dalawa lang ang kasong sinampa ko sa pambababoy na ginawa sa akin, sa pagkatao ko. Gusto ko siyang matanggalan ng lisensiya bilang doktor. Wala siyang karapatang maging doktor. Gusto ko siyang makulong at pagdusahan ang ginawa niya sa akin," idinagdag niya.

Ngunit iginiit ni Hayden na paglalaro lamang ang namagitan sa kanila ni Halili at nahaluan pa ito ng droga dahil sa ibinibigay umano sa kanya ng aktres.

Mariin naman itong pinabulaanan ni Halili at iginiit na kahit minsan ay hindi siya gumamit ng droga. Ipinakilala rin umano niya ang duktor sa kanyang mga magulang bilang patunay na seryoso ang tingin niya sa kanilang relasyon.

Nang mabanggit naman ni Halili ang katagang “jologs" na isa sa dahilan ng madaling pagkahulog ng loob sa duktor, inosenteng nagtanong si Estrada kung ano ang ibig sabihin ng “jologs" na nauwi sa tawanan.

Nagkaroon muli ng tensyon at iyakan nang magkatinganan sina Halili at Kho habang nagkukuwento ang aktres. Pabulalas na sinabihan ni Kahilili si Kho na, “ang kapal ng mukha mo nakakatingin ka pa sa akin."

Pagkatapos ng dalawang oras, sinabi ni Madrigal na kapwa biktima sina Kho at Halili – si Kho bilang biktima ng droga at si Halili ng video scandal. - GMANews.TV