GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Bantay A(H1N1): Magkasakit sa virus 16 na; 29 tao minominitor ng DOH

May 30, 2009 2:33pm
MANILA – Patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga nagkakatrangkaso sa Pilipinas dahil sa pagkakahawa sa Influenza A (H1N1) virus.

Sa pinakabagong ulat ng Department of Health nitong Sabado, inihayag ni Secretary Francisco Duque III, na dalawa ang nadagdag na kumpirmadong kaso ng A(H1N1) sa Pilipinas.

Dahil dito, umabot na sa 16 ang kabuuang kaso ng A(H1N1) sa bansa sa loob lang ng siyam na araw. Mayroon pa umanong 29 na kaso na minomonitor ng DOH dahil kinakitaan sila ng sintomas ng sakit.

Ang dalawang bagong kaso ay isang 51-anyos na babae at isang 21-anyos na lalaki na dumating sa bansa nitong Mayo 26 mula sa US.

“Both had a history of travel to the United States and arrived in Manila last May 26. Both are Filipinos," paliwanag ni Duque.

Sinabi ni Duque na mula Mayo 1, umabot na sa 240 ang sinubaybayan na kaso ng DOH. Sa naturang bilang 16 na ang nagpositibo, at 205 ang negatibo.

Alert level

Gumawa na rin ng alert level ang DOH na gagamiting batayan ng lokal na pamahalaan at mga pamunuan ng mga paaralan kung magkakansela ng klase ng mga estudyante.

Maaari lamang umanong ikansela ang klase kung aabot na sa Level 3 at 4 ang sitwasyon ng A(H1N1). Ang desisyon ng pagkansela ng klase ay maaaring ideklara ng principal, school superintendent o pinuno ng local government unit.

Ang level 3 ay kung mayroon ng positibong kaso A(H1N1) sa isang paaralan at ang level 4 ay kung nagkaroon ng hawahan ng sakit sa isang komunidad.

Sa ngayon, sinabi ni Duque na hindi na nangyayari ang dalawang naturang antas.

Sa pinakahuling talaan ng World Health Organization, mayroong 2,120 bagong kaso ng A(H1N1) at apat ang nadagdag sa mga nasawi sa buong mundo. Umabot na sa 53 bansa ang apektado ng virus at may kabuuang 15,510 kaso na naitala.

Ang mga bansang nadagdag sa listahan ng mga may positibong kaso ng A(H1N1) ay sa Czech Republic, Dominican Republic, Czechoslovakia, at Uruguay. - GMANews.TV