GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

40 mag-aaral nilagnat: Klase sa isang paaralan sa Nueva Ecija kinansela

June 5, 2009 6:38pm

JAEN, Nueva Ecija – Sinuspindi ni Mayor Santiago Austria ng bayang ito ang klase sa
isang pampublikong paaralan nitong Biyernes matapos lagnatin ang may 40 mag-aaral.

Sinabi ni Austria na inutos niyang suspindihin ang klase sa Hilera Elementary school matapos niyang matanggap ang impormasyon na nagkasakit ang mga mag-aaral sa grade 6 nitong Huwebes.

Inutos din ng alkalde sa pamunuan ng paaralan at local health unit na bigyan ng gamot at bitamina ang mga bata at subaybayan ang kanilang kalusugan.

Bagaman hindi naman itinuturing kaso ng Influenza A(H1N1), minabuti na umano ni Austria na kanselahin ang klase ngayon Biyernes upang magkaroon ng mas mahabang araw ang mga bata na makapagpahinga at hindi na makahawa ng ibang mag-aaral.

Sa panayam ng GMANews.TV kay Dra. Milgrace Santos, hepe ng Rural Health Unit ng Jaen, sinabi nito na maaaring ordinaryong lagnat lamang ang dumapo sa mga bata na karaniwang kapag panahon ng tag-ulan.

Hindi umano maiiwasan na magkaroon ng hawahan ang mga bata na magkakasama sa silid-aralan.

Kasama ang mga opisyal ng barangay, ipinasuri na umano ng lokal na pamahalaan ang mga bata para matiyak na hindi ito kaso ng kinatatakutang virus.

Ayon kay Ruperto Castro, principal ng nasabing paaralan, mula sa 15 bata na may lagnat nitong Huwebes, umakyat na umano sa 40 ang bilang ng mga mag-aaral na may lagnat at ang iba may kasama pang sipon, ubo at pagsusuka.

Maging si Catro ay lumitaw na may lagnat din matapos magtala ang kanyang temperatura sa katawan na 37.9 C.

Isang mag-aaral na itinago sa pangalang Joebet na nagbakasyon umano sa Bulacan ang pinaghihinalang nakahawa sa mga estudyante.

Ngunit sa panayam sa mga magulang ng bata, sinabi nila na magaling na si Joebert.

Pinayuhan naman ng mga lokal na opisyal sa mga bata na manatiling nasa loob ng bahay habang nagpapagaling. Sa kabila nito, ilang mga magulang ang nangangamba pa rin sa maramihang pagkakasakit ng mga bata – Jun Jun Sy, GMANews.TV