GMA News Online
Showbiz

Annabelle Rama dares suitor of Ruffa to go public

June 12, 2009 11:40pm

MANILA, Philippines – Inamin ni Annabelle Rama na lalaki ang dahilan ng away nila ng kanyang anak na si Ruffa Gutierrez kaya umalis ang aktres sa kanilang bahay noong nakaraang linggo.

Sa panayam ni GMA entertainment reporter Lhar Santiago, sinabi ni Annabelle na hindi nagustuhan ni Ruffa na pinagsabihan niya ito tungkol sa lalaking nanliligaw sa aktres. Hanggang ngayon ay hindi pa rin umano sila nag-uusap na mag-ina.

“Kung hindi ko siya mahal hindi ko siya pakialam, bahala siya sa buhay nya. Pero hindi, iba ako e. hangga’t buhay ako Ruffa makikiaalam ako sa’yo," ayon kay Annabelle sa panayam na lumabas sa "Chika Minute" portion ng "24 Oras" nitong Biyernes.

Pero kahit hindi pa sila nagkakausap, nagpapasalamat si Annabelle na patuloy na ipinapahiram ni Ruffa sa ina ang dalawang anak na sina Lorin at Vanice araw-araw.

Ang mga bata umano ang dahilan kaya hindi siya nagbigay ng pahayag sa telebisyon tungkol sa nangyaring pag-alis ni Ruffa sa kanilang bahay noong weekend.

“Mahal na mahal ko ang mga apo ko. Sila nagsabi sa akin na huwag magpunta sa telebisyon kaya na-indian ko ko yung ‘StarTalk,’ yun ‘Showbiz Central’ kasi nandun yung dalawa sa bahay. Nakakatuwa yung mga apo ko sila pa yung pumipigil sa akin," kuwento ni Annabelle.

Sa nalalapit na kaarawan ni Ruffa sa June 25, ano naman kaya ang mensahe si Annabelle sa anak?

“Sana Ruffa maintindihan mo ako. As a mother hindi ako nakikialam sa s’yo, ako ay nandito lang para magbigay ng advice sa’yo. Hindi naman lagi tayo perfect, minsan nadadapa ka rin ‘di ba ayokong madapa ka ulit," payo niya.

Ano naman ang mensahe niya sa lalaking dahilan ng away nilang mag-ina?

“Magpakalalaki ka. Kung talagang in-love ka sa anak ko umamin ka in public. I don’t think nakakahiya si Ruffa, kung nakakahiya yung… kung hindi siya umamin para siyang kept woman di ba? Kung talagang mahal mo ang isang babae you should be proud. Kung hindi ka proud sa anak ko ‘wag ka ng manligaw, yun lang naman yun," deklara ni Annabelle. - Fidel Jimenez, GMANews.TV
Go to comments