GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Bantay A(H1N1): P19.8B pondo hiningi ni Duque pangontra sa virus

July 7, 2009 9:43pm
MANILA – Hiniling ni Department of Health Secretary Francisco Duque III sa Kongreso na maglaan ng P19.8 bilyon pondo upang magamit na panlaban sa tinawag nilang “mild case" ng Influenza A(H1N1) virus.

Ngunit sa ginawang pagdinig sa Kamara de Representante nitong Martes, kinuwestiyon ng mga kongresista ang hinihinging pondo ni Duque na lubha umanong malaki.

“It’s quite big. I don’t know where he will use it. If I were him, I will first do something about the exorbitant throat swab testing fee which costs about five thousand per patient. The Tamiflu is not available in Mercury drugstore. Iyan muna ang unahin n’ya," ayon kay Pasay Rep. Jose Antonio Roxas.

Bukod sa gamot na Tamiflu, nais din ng mga mambabatas na gumawa ng paraan ang DOH upang mapababa ang presyo ng throat swab test na umaabot umano sa P5,000.

Sa naturang pagdinig ng House committee on health, ipinaliwanag ni Duque na posibleng 100,000 Filipino ang masawi kapag kumalat ng husto sa Pilipinas ang virus at maapektuhan ang mga tinatawag na “high risk" patient tulad ng mga matatanda, bata at may komplikasyon ng sakit.


Ang 49-anyos na babaeng empleyado sa Kamara na napag-alamang may sakit sa puso ang unang kaso ng pasyenteng namatay sa Pilipinas dahil sa komplikasyon ng A(H1N1).

Ipinaliwanag ni Duque na P16 bilyong ng pondo ang gagamiting pambili ng bakuna laban sa virus, P3 bilyon para tustusan ang mga mahihirap na pasyente, at P800 milyon para pagsasaayos ng mga pagamutan.

Ngunit labis na nalalakihan si Iloilo Rep. Ferjenel Biron, senior vice chairman ng komite, sa hinihinging pondo ni Duque para lamang sa mahinang uri ng virus batay na rin umano sa sariling pagtaya ng DOH.

“That’s too big a request. Perhaps 10% or P2 billion should be acceptable. The DoH should instead uplift the infrastructure and facilities of its hospitals. There are more important problems confronting the DoH than H1N1," ayon kay Biron na isang duktor.

Nagtataka rin si Iloilo Rep. Janette Garin, isa ring duktor, kung bakit ibubuhos ng DOH na pambili ng bakuna kontra A(H1N1) ang pondo gayung wala pang bakuna na inilalabas sa merkado para sa 450,000 pasyente na posibleng maapektuhan ng virus.

“The bulk of the budget is for purchase of vaccines, which I do not agree. However, the rest of the budget proposed were necessary and can be used for H1N1 and other predominant diseases in the top list of mortality and morbidity in the Philippines ," paliwanag niya.

Tiniyak naman ng DOH na hindi gagalawin ang pondong ilalaan na pambili ng bakuna hanggat hindi tiyak na magagamot nito ang sakit. - GMANews.TV
Go to comments