GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Dahil sa mga pagsabog: Pamamahagi ng pagkain ng UN sa Mindanao ipinatigil

July 8, 2009 6:57pm
MANILA – Inihayag ng United Nation (UN) na sinuspindi nito ang pamamahagi ng tulong sa libu-libong residente sa Mindanao na itinaboy ng digmaan bunga ng serye ng pambobomba sa mga pampublikong lugar.

Ayon kay Alghassim Wurie, acting director ng UN World Food Program sa Pilipinas, ang desisyon na ipatigil ang pagmamahagi ng pagkain sa mga evacuees sa Mindanao ay bunga ng pangamba sa seguridad ng kanilang mga tauhan.

Nitong Linggo, isang bomba ang sumabog sa isang tindahan na katapat ng isang Cathedral Cotabato city na kumitil sa anim na tao at ilan pa ang nasugatan.

Nitong Martes, magkasunod naman ang naganap na pagsabog sa Iligan city, Lanao del Norte at Jolo, Sulu kung saan dalawang tao ang nasawi at mahigit 20 ang nasugatan kasama ang tatlong sundalo.

Hinihinala ng militar na mga kasapi ng bandidong Abu Sayyaf Group o rebeldeng Moro Islamic Liberation Front ang nasa likod ng mga pag-atake.

Sinasabing nagkakaloob ang UN ng pagkain sa may 578,000 tao na itinaboy ng digmaan ng mga rebelde at militar sa Mindanao.

2 lang ang nasawi

Nilinaw naman ng Philippine National Police na dalawa lang at hindi anim ang nasawi sa pagsabog sa Jolo taliwas sa naunang ulat.

Ayon kay Superintendent Jose Bayani Gucela, public information ng PNP Directorate for Integrated Police Operations sa Western Mindanao, bukod sa dalawang nasawi ay umabot sa 17 tao ang nasugatan sa naturang pag-atake.

Ipinaliwanag ni Gucela na ang ilang sugatan na kritikal ang lagay - na inakalang nasawi - ay nabuhay nang malapatan ng lunas sa ospital.

Ngunit mas marami umano ang posibleng nasawi kung hindi kaagad nakareponde ang mga pulis at na-detonate ang dalawa pang bomba. - AP, GMANews.TV
Go to comments