GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

PNP sa Metro Manila inalerto dahil sa mga naganap na pagsabog

July 8, 2009 11:22pm
MANILA – Kasunod ng serye ng mga pagsabog sa Mindanao, inalerto ng Philippine National Police ang kanilang mga tauhan sa iba’t-ibang bahagi ng bansa partikular sa Metro Manila na posibleng maging target din umano ng pag-atake ng mga nais maghasik ng kaguluhan sa pamahalaan.

Inutos umano ni PNP chief Director General Jesus Verzosa ang paglalagay ng mga checkpoints sa mga pangunahing daanan at closed circuit television (CCTV) cameras sa mga matataong lugar gaya ng mall sa Metro Manila, ayon kay PNP spokesperson Senior Superintendent Leonardo Espina.

“Iniutos po ng ating chief PNP ang target sa buong kapuluan ang paglalagay ng checkpoints. If possible, lagyan ng CCTVs lahat ng places of heavy public convergence. Ito’y kasama ng tulong ng komunidad," pahayag ni Espina sa panayam ng GMA’s Unang Hirit.

Mula noong Sabado, apat na pagsabog na ang naganap sa mga pampublikong lugar sa Mindanao na nagresulta sa pagkamatay ng may walong tao at ikinasugat ng mahigit 40 iba pa.

Ang mga pag-atake ay naganap sa Datu Piang, Maguindanao; Cotabato City; Jolo, Sulu; at Iligan City, Lanao del Norte.

Tiniyak naman ni Metro Manila Police chief Superintendent Roberto Rosales, na masusing binabantayan ng kanyang mga tauhan ang mga matataong lugar gaya ng mga paaralan, malls at simbahan.

"Kahit saan naman pwedeng mangyari ang mga ganitong pag-atake, pero kapag nakikita nilang (the terrorists) handa tayo, hindi 'yan gagawa ng kahit ano. We really have to take a proactive stance regarding this," pahayag ni Rosales sa panayam ng GMANews.TV.




Makati bantayan

Inatasan naman ni Makati mayor Jejomar Binay ang Makati Command, Control and Communication Center – or Makati C3 – na mahigpit na bantayan ang Central Business District (CBD).

“In these situations we must remain vigilant. Makati is fortunate to have the Command Center as a deterrent to such nefarious activities," pahayag ni Binay.

Nais ni Binay na 24-oras na matyagan ng Makati C3 – binuo noong 2006, ang CBD at ang 35 barangay sa lungsod.

Sa hiwalay na panayam, sinabi ni Makati police head Superintendent Cedric Train na dinagdagan na nila ang police visibility sa mga pangunahing lugar sa lungsod.

“Ang mga kapulisan natin ay double alert. Continuous ang pag-iikot ng ating kapulisan sa deployment zones at strategic areas at business establishments," paliwanag ng opisyal.

Ipinaliwanag ni Binay na tatanggap ng mga emergency call ang Makati C3 at kaagad na magpapadala ng police, fire, health o rescue team para tumugon sa mga kritikal na sitwasyon.

"We will keep watch over the city day and night. The city government concerns itself with the safety and security of its constituents and we will not hesitate to use all our resources to keep Makati peaceful and safe," ayon sa alkalde.

Tulong ng publiko

Nanawagan naman si Speaker Prospero Nograles sa publiko, partikular sa Mindanao, na tumulong sa imbestigasyon ng pulisya sa pagtukoy sa mga responsable sa magkakasunod na pagsabog.

"Regardless of creed or religion and political inclinations, we all must act to end these series of criminal acts. The whole country itself is the ultimate victim," apela niya.

Kailangan din umanong maging alerto at mapagmatyag ang publiko at ipaalam kaagad sa awtoridad kung may makitang kahina-hinalang tao o iniiwang mga bagahe sa kanilang lugar.

"Our police and military personnel can't possibly set their eyes on every nook and corner of the archipelago. We need the full cooperation of the citizenry. We all have a stake in our quest for peace and development," pagdiin ni Nograles.

Inihayag naman ni Bayan Muna Rep. Teodoro “Teddy" Casiño na ang administrasyong Arroyo ang higit na nakikinabang sa mga serye ng pagsabog dahil naisasangtabi ang mga mas mahahalagang usapin sa gobyerno.

"The lack of conclusive information on the motives and perpetrators of the bombings reinforces the suspicion that either there is a failure of intelligence or the obfuscation is deliberately orchestrated to divert the public's attention from the real issues and the threat of emergency rule. Arroyo remains as the sole beneficiary of what's going on," ayon kay Casiño. - GMANews.TV