GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Permit sa pagputol ng puno 'di na ibibigay ng DENR

July 11, 2009 2:01pm
MANILA – Hindi na magpapalabas ng permit ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) para payagan ang pagpuputol ng puno sa bansa upang maprotektahan ang kapaligiran.

Sa halip na permit sa pagputol ng puno, permit na lamang upang bunutin o tree balling permit ang ibibigay ng ahensiya, ayon Environment Secretary Jose Atienza Jr. nitong Sabado.

“We are making it clear that we will not allow any cutting down of trees to give way to any development project anywhere in the country, even those covered by environmental compliance certificates (ECCs), mining permits or any other construction and development permits for that matter," paliwanag ng kalihim.

Simula ngayon ay kailangan umanong isama sa disenyo ng mga itatayong gusali ang posisyon ng mga puno sa lugar na pagtatayuan ng mga instruktura.

Kung hindi maiiwasan na alisin ang puno, sinabi ni Atienza na maaaring ilipat na lamang ang puno ngunit hindi papayagan na putulin ito.

Iminungkahi rin ni Atienza na bawasan ang araw na inilaan sa pagproseso ng ECC at certificate of non-coverage (CNC) para maalis ang mga hindi kinakailangang rekisitos sa mga nagnanais magtayo ng negosyo sa bansa.

Palalakasin din umano ng DENR ang kampanya ng ahensiya sa pagsubaybay sa kapaligirn sa tulong ng mga, “NGOs, people's organizations and other stakeholders in multipartite monitoring teams that will be established for each project".

Sa ngayon, tinatayang 30 milyong hektarya na lamang ang land forest sa Pilipinas.

Ngunit ayon sa DENR’s Forest Management Bureau, bagaman may 16 milyong hektarya ng lupain ang nasa kategorya ng forest land, tanging 7.2 milyong hektarya lamang ang actual forested areas noong 2003. - GMANews.TV