GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

'Di sisipot sa SONA, walang malasakit sa bansa - solon

July 22, 2009 11:14pm
MANILA – Ipinaalala ng dalawang kongresista na kaalyado ng administrasyon nitong Miyerkules sa mga kapwa nila mambabatas na bahagi ng kanilang trabaho ang dumalo sa taunang State of the Nation Address (SONA) ng pangulo ng bansa.

Ang pahayag ay ginawa nina Reps. Jeci Lapus (Tarlac) at Pedro Romualdo (Camiguin), bilang reaksyon sa planong pag-boykot sa SONA ng ilang mambabatas na kritiko ng gobyerno.

Sinabi ni Lapus na ang hindi pagdalo sa SONA ay mistulang pagtalikod sa isang bahagi ng kanilang tungkulin bilang mambabatas ng bansa.

“Even if they are with the opposition, they should still attend the SONA and see how they can help the administration fulfill the development agenda for the nation. They should set aside partisanship and focus on the people’s needs especially during these difficult times," pahayag ng kongresista ng Tarlac.

Hindi rin umano makatwiran na pangunahan ang magiging laman ng talumpati ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na tinawag ng oposisyon na maglalaman ng mga lumang pangako.

Idinagdag naman ni Romualdo na ang hindi pagsipot sa SONA ay magpapakita ng kawalan ng malasakit ng ilang mambabatas sa tunay na kalagayan ng Pilipinas.




Sa SONA inihahayag ng pangulo ang mga nagawa ng kanyang administrasyon sa nagdaang taon at mga planong programa sa susunod na taon.

Ang SONA na gagawin sa Batasang Pambasa sa Hulyo 27 ang magsisilbing huling SONA ni Arroyo na nakatakdang bumaba sa puwesto sa Hunyo 2010 sa pagkatapos ng kanyang termino.

“They want to ignore the fact that our country managed to make numerous leaps and bounds under the Arroyo administration these past years. They also want to ignore the plea of our countrymen for more food on the table, housing, health care, schoolbuildings, scholarships for our indigent youth, and other social services," ayon kay Romualdo.

“All this will be spelled out by the President in her SONA so every responsible and caring lawmaker should take time out to listen to her message," paliwanag niya.

Idinagdag ni Romualdo na ang tunay na layunin sa planong pagboykot sa SONA ng ilang kasapi ng oposisyon at militanteng mambabatas ay para makakuha lang ng atensyon ng media. – GMANews.TV
Go to comments