ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga 'di magbababa sa presyo ng gamot dapat daw parusahan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Iginiit ng ilang kongresista na dapat ipakita ng pamahalaan na seryoso ito sa kampanya na ibaba ang presyo ng mga gamot sa pamamagitan ng pagpataw ng parusa sa mga botika at kumpanya na mapatutunayang hindi tatalima sa itinatakda ng Republic Act No. 9502, known as the Universally Accessible Cheaper and Quality Medicines Act of 2008. Sa magkakahiwalay na panayam, nagkakaisa sina Reps. Jose Antonio Roxas (Pasay), Ferjenel Biron (Iloilo) at Janette Garin (Iloilo), sa pananaw na kailangang ipakita ng pamahalaan na mananagot sa batas ang mga hindi magbababa sa presyo ng mga gamot na nakapaloob sa itinakdang maximum drug retail price (MDRP), alinsunod Executive Order (EO) No. 821. “Alam mo naman dito, kung makakalusot, lulusot. But eventually they will comply or they will face sanctions which include revocation of their licenses when caught," ayon kay Roxas. Nanawagan ang mga kongresista sa publiko at media na tumulong sa pamahalaan sa pagmonitor ng mga botika, kumpanya ng gumagawa ng gamot at mga ospital na hindi ipinapatupad ang nakasaad sa batas. Nilinaw naman ni Biron na hindi pa makakamit sa ngayon ang 100% compliance rating sa MDRP dahil na rin sa ibinigay na palugid ng Department of Health (DoH) sa mga maliliit na botika hanggang sa Setyembre 15. “We couldn’t expect 100% compliance at the moment because small drugstores are given until September 15 to completely comply. Penalty includes fines of establishment," ayon sa mambabatas. Sinabi naman ni Garin na mayroong sapat na kapangyarihan ang Bureau of Food and Drugs (BFAD) upang parusahan ang mga magpapalusot na establisimyento. “Precisely the reason that BFAD was strengthened with accompanying budget was to see to it that law is fully implemented. They have all the powers to hand down sanctions on violators," pahayag ni Garin. Kabilang sa mga gamot na sakop ng EO 821 ay mga anti-hypertensive drugs na amlodipine, anti-cholesterol drug na atorvastatin, antibiotic/antibacterial drug na azithromycin, at antineoplastics/anticancer drugs na cytarabine at doxorubicin. Nagboluntaryo naman ang kumpanya ng gamot na ibaba ang presyo ng kanilang mga produkto na telmisartan at irbesartan na antihypertensive drugs; ang anti-thrombotic drug na clopidogrel; ang anti-diabetic drug na gliclazide; at antibiotic drugs na piperacillin + tazobactam, ciprofloxacin, metronidazole at coamoxiclave. Kasama rin sa dapat ibaba ang presyo ay ang Bleomycin, carboplatin, cisplatin, cyclophosphamide, etoposide, mercaptopurine, methotrexate sodium at mesna na pawang anticancer drugs. - GMANews.TV