GMA News Online
Ulat Filipino
»
Pinoy Trivia

Lalawigan na may pinakamaraming tao

August 29, 2009 3:46pm
Sa pinakahuling pag-aaral na ginawa ng National Statistics Office (NSO) sa populasyon ng Pilipinas noong 2007, lumitaw na umabot sa mahigit 88.57 milyon ang bilang ng mga Pinoy. Pero alam nyo ba kung saang lalawigan sa bansa mayroong pinakamaraming tao?

Sa resulta ng pinakahuling Census of Population (POPCEN 2007) ng NSO noong 2007, lumitaw na umabot sa 88,574,614 ang populasyon ng bansa o halos 2.04 percent population growth rate mula noong taong 2000.

Ang bilang ng mga Pinoy noong 2007 ay lumobo sa mahigit 12 milyong mula noong 2000 Census of Population and Housing na umabot sa 76.50 milyon. Samantalang 68.62 milyon naman ang naitala sa 1995 Mid-Decade Census.

Sa mga lalawigan, lumitaw sa 2007 POPCEN na ang Cavite ang may pinakamalaking populasyon na umabot sa 2.86 milyong tao. Sumunod dito ang Bulacan (2.83 milyon) at pangatlo ang Pangasinan (2.65 milyon).

Ang lima pang lalawigan na may mahigit dalawang milyon ang populasyon ay ang Laguna (2.47 milyon); Cebu - hindi kasama ang tatlong malalaking lungsod Cebu City, Lapu-lapu, at Mandaue (2.44 milyon); Negros Occidental - hindi kasama ang Bacolod City (2.37 milyon); Rizal (2.28 milyon); at Batangas (2.25 milyon). - Fidel Jimenez, GMANews.TV