GMA News Online
Showbiz
»
Chika Minute

Alyssa Alano loses P50K worth of gift certificate to syndicate

September 5, 2009 12:10am
Dumulog sa National Bureau of Investigation ang sexy host/comedienne na si Alyssa Alano matapos siyang matangayan ng P50,000 worth of gift check ng isang tao na nagpakilalang sikat na entertainment columnist/host.

Sinabi sa ulat ni Nelson Canlas sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Huwebes, na nakatanggap ng tawag sa telepono si Alyssa noong Martes mula sa isang tao nagpakilalang si Ricky Lo.

Nag-alok umano ang nagpakilalang kolumnista na bibigyan siya ng magandang write-up kapalit ng P50,000 na halaga ng gift certificate sa isang sikat na department store.

Dahil ka-boses ni Ricky ang kausap sa telepono, hindi na umano nagduda si Alyssa at tinanggap ang inalok na write-up. Nagtungo umano ang aktres sa napagkasunduang tagpunan at dito niya nakaharap ang nagpakilalang “assistant" ni Ricky na kumuha ng mga gift certificate.

Tumanggi na muna si Alyssa na magbigay ng iba pang detalye tungkol sa kaso dahil na rin sa payo ng NBI na nagsasagawa na umano ng imbestigasyon.




Samantala, sinabi naman ni Ricky Lo na ito na ang pangalawang insidente na may gumamit sa kanyang pangalan. Noong Agosto, may tumawag umano sa isa niyang kaibigan na opisyal ng Department of Foreign Affairs na nagpakikilalang siya at nagpapatulong sa paglakad ng passport.

Payo ni Ricky, huwag basta-basta maniniwala sa mga taong nakakausap sa telepono.

“Tawagin muna tayo to verify kung tayo nga ‘yon (kausap nila)," ayon sa columnist/host.

Samantala, umiiyak naman ang sexy star na si Julia Lopes nang dumulog sa GMA News dahil marami raw ang nagpapanggap at kumukuha ng sponsor para sa kanyang inorganisang shooting competition. - Fidel Jimenez, GMANews.TV