GMA News Online
Ulat Filipino
»
Pinoy Trivia

Pinakamalakas na bagyo

September 29, 2009 9:12pm
Ginulat ng bagyong “Ondoy" ang Pilipinas sa dami ng tubig na kanyang ibinuhos na nagpalubog sa maraming lugar sa Metro Manila at karatig lalawigan. Pero alam n’yo na kung anong mga bagyo ang itinuturing pinakamalakas na tumama sa bansa?

Sa ipinalabas na ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services, Administration (PAGASA), sinasabing nahigitan ng ulan ni “Ondoy" ang bagyong tumama noong June 1967 sa nagpakawala ng maraming tubig.

Sa pagtaya ng Pagasa, pinapaniwalaan na umabot sa 341.3 mm ang dami ng ulan na ibinuhos ni 'Ondoy' sa Quezon City mula 8 a.m. hanggang 2 p.m. noong Sept. 26. Halos katumbas na nito ang 391.7 mm average na ulan na ibinuhos ng mga bagyo sa buong buwan ng Setyembre.

Sa kabila ng maraming tubig, naging mahina naman ang hangin ni ‘Ondoy’ na umabot lang sa pinakamalakas na 65 kph malapit sa gitna at pagbugso na hanggang 80 kph.

Sa talaan ng Pagasa, ang limang itinuturing pinakamalakas na mga bagyo ay sina Reming (Nov 26-Dec 1, 2006) 320 kph; Sening (Oct 11-15, 1970) 275 kph; Rosing (Oct 30-Nov 4, 1995) 260 kph; Anding (Nov 21-27, 1981) 260 kph; at Loleng (Oct 15-24, 1998) 250 kph.

Maliban kay “Anding" na namataan sa Daet, Camarines Norte ang pinakamalakas na sandali ng bagyo, ang apat na iba pa ay naramdaman ang pinakamalakas na sandali ng hangin sa Virac, Catanduanes. - GMANews.TV
Go to comments