GMA News Online
Ulat Filipino
»
Pinoy Trivia

Mga unang tagabantay ng bagyo

October 10, 2009 6:52pm
Dahil sa tindi ng pinsalang idinulot ng mga bagyong “Ondoy" at “Pepeng," naging sentro muli ng atensyon ang ating weather bureau. Pero kilala nyo ba kung sino ang maituturing mga naunang nagtataya sa lagay ng panahon at saan unibersidad sila nanggaling?

Bago pa man itinatag ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o Pagasa, sinasabing sinimulan na ni Francisco Colina, isang Jesuit scholar, at propesor sa matimatika at pisika sa Ateneo Municipal de Manila ang sistematikong pagsusuri sa lagay panahon gamit ang mga lumang instrumento.

Ngunit pagsapit noong 1865 ay sinimulan na ni Colina ang sistematikong pagtatala sa lagay ng panahon na dalawa hanggang tatlong beses sa isang araw. Katuwang ni Colina sa pagtatala ang isa pang Jesuit scholar na si Jaime Nonell na naglalathala naman sa Diario de Manila.

Ang ginawa nina Colina at Nonell ay nakakuha ng atensyon sa mga negosyante, mangangalakal at marino sa Maynila. Hiniling nila kay Fr Juan Vidal, Jesuit superior, na gawin regular ang pagmamasid sa panahon para mabigyan ng babala ang publiko sa papalapit na bagyo.

Ngunit naging bantulot sina Colina at Nonell na pagbigyan ang kahilingan dahil sa pangambang hindi maging sakto ang kanilang pagtaya sa panahon bunga ng mga makalumang gamit. Kaya naman ang mga negosyante na ang gumastos para bumili ng mga modernong gamit mula sa Europa. Kinuha nila ang Universal Meteorograph na naimbento ng isa ring Heswita na si Fr. Angelo Seechi ng Vatican Observatory.

Sa sumunod na taon, nadagdag sa grupo nina Colina at Nonell si Fr Federico Faura, S.J., na siyang namuno sa Boletin del Observatorio de Manila. Ang pagtaya ng panahon sa Pilipinas ay hinihingi na rin ng ibang negosyante sa ibang lugar nang maging tumpak ang kanilang prediksyon sa mga tumamang bagyo noong 1879.

Dahil sa dumadaming kahilingan sa pagtaya ng panahon, napagdesisyon na gawing institusyon ang pagbabantay sa lagay ng panahon at binuo ang Manila Observatory noong Abril 1894 sa pamamagitan ng isang Royal Degree na sinuportahan ng Espanya. - Fidel Jimenez, GMANews.TV