GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

‘Ramil’ lumakas; Gitna, Hilagang Luzon na niragasa ni ‘Pepeng’ tinutumbok

October 17, 2009 3:52pm
MANILA – Lumakas ang bagyong "Ramil" nang pumasok sa teritoryo ng Pilipinas at tinatahak ang direksyon ng Hilaga at Gitnang Luzon na labis na pininsala ng nagdaang bagyong “Pepeng."

Sa ipinalabas na ulat ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) bago magtanghali nitong Sabado, inaasahang tatama si “Ramil" sa kalupaan sa Hilagang Luzon.

Si “Ramil" ay namataan sa 980 kms east-southeast ng Casiguran, Aurora o 780 kms east-northeast ng Virac, Catanduanes. Taglay nito ang pinakamalakas na hangin 130 kilometer per hour malapit sa gitna, at may pagbugso na hanggang 160 kph.

Gayunman, sinabi ng Pagasa na hindi pa mararamdaman ang bagyo sa susunod na 36 na oras.

"Maaaring lumampas pa si ‘Ramil’ sa lakas ni ‘Pepeng’," babala ni Pagasa chief Prisco Nilo. "Dahil sa pagbagal ng bagyo, nagbibigay ito ng maraming pagkakataon para siya ay lalong lumakas."

Bago tumama sa kalupaan ng Cagayan noong Oktubre 3, taglay ni “Pepeng" ang pinakamalakas na hangin na 175 kph. Halos 10 araw tumagal sa teritoryo ng Pilipinas si ‘Pepeng’ matapos itong mahatak pabalik ng bagyong si "Quedan" noong Okt. 6.




Maghanda

Ngayon pa lang, pinayuhan na ni Press Secretary Cerge Remonde ang mga lokal na opisyal at mga residente sa posibleng tamaan ng bagyo na maging handa.

Sinabi ng opisyal na dapat matuto ang publiko at mga opisyal sa naging karanasan sa mga bagyong “Ondoy" at “Pepeng."

“God forbid naman, pero that situation, it’s time we learn from the lessons of ‘Ondoy’ and ‘Pepeng.’ Let us not tempt fate so much anymore," ayon kay Remonde.

Dahil sa papalapit na bagyong “Ramil," ipinagpaliban ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang caravan na ipadadala sa mga sinalanta nina “Ondoy" at “Pepeng."

Sa halip, sinabi ni DSWD Secretary Esperanza Cabral na pabibilisin na lamang ng ahensiya ang pamamahagi ng mga relief goods sa mga lugar na napinsala ng mga bagyo.

“Canceled muna ang relief caravan, ang caravan of 100 trucks. Sa ngayon ang DSWD nagde-deliver ng goods sa bawa’t region para bago dumating ang bagyo magkakaroon sila ng stock na gagamitin," paliwanag ng kalihim. - GMANews.TV