ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Nataon sa pagbisita ni Clinton: Fr Sinnott nakalaya na


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Matapos ang mahigit isang buwan na pagkakabihag, nakalaya na nitong Huwebes ang Irish priest na si Michael Sinnott na dinukot sa Pagadian City noong Oktubre 11. Nataon ang pagpapalaya sa 79-anyos na si Sinnott sa mismong araw ng pagbisita sa bansa ni US Secretary of Staff Hillary Clinton. Bagaman hindi umano batid ng dayuhang pari kung anong grupo ang tumangay sa kanya, tiniyak naman ni Sinnott na walang kinalaman sa insidente ang mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Sa isinagawang press conference sa Villamor Air Base sa Pasay City nitong umaga ng Huwebes paggaling sa Zamboanga City, sinabi ni Sinnott na posibleng grupo lamang na nakabase sa Pagadian na nais kumita ng pera ang dumukot sa kanya. "I don’t know who kidnapped me... "[But] It was not the MILF. We were very sure of that," pahayag ni Sinnott. Sinasabing ipinaubaya umano si Sinnott ng mga suspek sa miyembro ng MILF madaling araw nitong Huwebes bago siya ipinasa kay Usec. Rafael Seguis, pinuno ng Government Peace Panel, na nakikipagnegosasyon sa mga rebelde. Naniniwala umano ang dayuhang pari na hindi kasapi ng MILF ang dumukot sa kanya dahil kinokondena ng mga rebeldeng Muslim ang kidnapping, “because it is against the Quoran." Sa kabila nito, sinabi ni Sinnott na may “separatist sentiments" ang grupong dumukot sa kanya na katulad ng MILF. "They said that it was very important to get their message out in the international media," ayon sa pinalayang pari. "They said they were the original nomads of Mindanao, that was their message." Wala naman daw balak si Sinnott na magsampa ng kaso laban sa mga dumukot sa kanya. Ayon kay Maj. Gen. Benjamin Dolorfino, kilalang balwarte ng MILF ang lugar kung saan itinago si Sinnott pero hindi ito nangangahulugan na may kinalaman ang rebeldeng grupo sa insidente. Patuloy umano ang ginagawang pagsubaybay ng militar at Philippine National Police sa mga hinihinalang "lost command" o na tiwaling tauhan ng MILF na nasa likod ng pagdukot kay Sinnott. Nanindigan naman si Seguis, tumatayo ring foreign affairs undersecretary, na walang perang kapalit sa pagpapalaya kay Sinnott. "It [The abduction] seems to be very well organized... They have no problem getting supplies," aniya. Sa kabila ng nangyari, sinabi ni Sinnott na nais niyang manatili sa Mindanao. “I hope to stay in Mindanao. I have to see my superior yet. My plan is to continue as usual. I don’t know if that’s possible," pahayag ni Sinnott. - GMANews.TV